
KELOT, 15, TUMALON MULA 32ND FLOOR
Matapos hiwalayan ng gf
POSIBLENG hindi kinaya ng isang 15-anyos na binatilyong estudyante ang kanyang naging problema matapos umanong tumalon ito mula sa gusali sa A. H. Lacson Street, Sampaloc, Maynila araw ng Sabado.
Isa sa mga sanhi ng problema ng biktima ang paghihiwalay nila ng kanyang girlfriend na nabanggit ng kapatid na babae ng biktima.
Ang biktima na umano’y tumalon sa gusali ay kinilala lamang sa pangalang “Jaycee” na taga-Tondo sa Maynila.
Base sa ulat ni Det. Roderick Magpale na isinumite kay Police Captain Dennis Turla, ang hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 1:45 ng hapon nang makarinig ng malakas na kalabog kasabay ng mga kuryenteng nagsiklaban ang isang stay in na caretaker ng gusali sa Espanya Boulevard sa Sampaloc.
Dito na nakita ng caretaker ang binatilyo na patay na habang nakalaylay sa katawan nito ang kawad ng kuryente.
Agad na tumawag sa Meralco ang ilang tambay sa lugar na unang rumesponde upang masiguro ang kaligtasan ng lahat at wala ng madamay na iba pa.
Agad ding rumesponde ang mga kapulisan mula sa Sampaloc Police Station 4 upang ikordon ang lugar at saka sila tumawag sa tanggapan ni Turla, kasabay ang operatiba ng Forensic Unit o Scene of the Crime Operatives sa pangunguna ni Police Captain Geovanni Brinquez para isailalim sa imbestigasyon ang insidente.
Sa naging panayam sa nakatatandang kapatid ng biktima, nitong nakaraang Oktubre 6 ay nagkakuwentuhan pa sila ng binatilyo dahil sa pakikipagbreak up ng kanyang nobya.
Gayunman, ang bangkay ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Body and Light Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya at matukoy kung may foul play sa insidente.