Kulong

Chinese trader timbok sa P22M ‘nakaw me’

October 8, 2023 Melnie Ragasa-limena 195 views

INARESTO ng mga pulis ang isang negosyanteng Chinese nang itanggi ng kanyang mga empleyado ang ini-report niya na ninakawan ang opisina niya ng mahigit P22 milyon ng anim na di-kilalang lalaki sa Quezon City noong Sabado.

Kinilala ang suspek na si Bernard Chua, 40, ng 130 Road 20, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Inaresto ang Chinese sa loob mismo ng tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) sa Camp Karingal sa Sikatuna Village, QC.

Sa imbestigasyon ni P/Cpl Jordan A Barbado, tinawagan ni Pat Mark Christian Israel ng Project 6 Police Station (PS-15) ang CIDU at pinaiimbestigahan ang nakawan sa BC CARS sa 130 Road 20, Barangay Bahay Toro.

Sinabi umano ng suspek na puwersahang binuksan ang pintuan ng kanyang opisina at nilimas ang mahahalaga niyang kagamitan at pera na nagkakahalaga ng P22,500,000 ng anim na hindi pa nakikilalang lalaki.

Pero nang panoorin ang CCTV footage ng mga otoridad, wala silang nakitang nakawan sa opisina.

Agad umamin ang mga empleyado na sina Byan Cabigayan Idang, Victor Fernandez Yango, Gil Von Yango Antonio at Ysrael Fernandez Yango na walang nakawan na nangyari sa kanilang establisyimento.

Sinabi ng mga empleyado na pinilit lamang sila ng suspek na magkunwari at patotohanan na may nangyaring nakawan sa tanggapan ng kanilang amo.

Dahil dito, ikinulong ang negosyante sa CIDU at inihahanda na ang kasong paglabag sa Article 183 of the Revised Penal Code (perjury) laban sa kanya.