Anjo

Kasalang Jomari-Abby, boboykotin ni Anjo!

March 12, 2023 Ian F. Fariñas 345 views

MAHIGIT isang taon na palang hindi nagkikibuan ang magkapatid na Anjo at Jomari Yllana. Hindi na idinetalye pa ng huli ang rason ng kanilang hidwaan pero bukas siya sa pakikipag-usap sa nakababatang kapatid sakaling makipag-ayos ito sa kanya.

Dahil dito, sinabi ni Anjo na hindi siya dadalo sa nalalapit na kasal ni Jomari kay Abby Viduya.

“Hindi, eh. Mag-usap muna kami. Pangit namang makipagplastikan ako sa kasal. Patch up muna namin kung anuman ang hidwaan,” katwiran pa ni Anjo, na kasama sa cast ng bagong Viva TV show na Team A nina Kim Molina at Jerald Napoles sa TV5.

Sa katatapos na mediacon para sa naturang fun-serye na iere sa Kapatid network simula sa March 18, nahingan din ng reaksyon si Anjo bilang dating Dabarkads tungkol sa gulong nangyayari sa Eat Bulaga.

Anang komedyante, ikinalulungkot niya ang bali-balita at pinanghihinayangan sakaling totoo na sisipain na sa show ang TAPE, Inc. exec na si Tony Tuviera at main hosts na sina Tito, Vic at Joey.

Kilala umano ni Anjo si Bullet Jalosjos, ang sinasabing representative ng pamilya ni dating Cong. Romy Jalosjos, TAPE, Inc. chairman, na magpapatawag ng preskon sa Abril para linawin ang isyu.

Ayon kay Anjo, “Possible na mag-break sila because, ‘yun nga ang sinasabi ko sa mga hindi nakakaalam. Boss namin sa Eat Bulaga is Chairman Jalosjos. And ang proof, para malaman na siya talaga ang boss, alam mo ‘yung ano namin dati, coffeetable book? Ang first page, si Sir Romy. Ibig sabihin, acknowledged, kinikilala talaga ng Eat Bulaga, siya talaga ‘yung boss. ‘Pag sinabing boss, ba’t sinabing boss si Mr. Jalosjos? When Eat Bulaga started, he financed the show. Siya ang may-ari. Kaya siya ‘yung boss. At kinukwento ko rin, fortunate sa Eat Bulaga dahil ako, from my experience, si Mr. Jalosjos, hindi nakikialam sa production. Siya, never siya nakikialam sa… binibigay niya kay Mr. Tuviera, sa TVJ… kaya ‘yung success ng Eat Bulaga, eh, nakay Mr. T saka kay TVJ. Pero ‘yung simula ng Bulaga, eh, credit du’n sa nag-finance. Kaya pareho naman sila lahat credited d’yan, eh. ‘Yun lang nga, eh, para sa akin, ha, ‘pag sinabi ni Boss, ‘o mga anak ko na magte-take over, ha?’, eh, wala tayong magagawa. Prerogative niya ‘yon, eh. Dream niya siguro ‘yon na balang araw… pero dapat, pasalamat din kami lahat dahil 43 years kaming hinayaan.”

Bale tatlong taon na ring wala si Anjo sa longest-running noontime show sa bansa. Nag-resign siya sa programa noong 2020.

Kaya ang mensahe niya kina Mr. T at sa TVJ ay, “Sir, sad na ganito ‘yung parang naririnig namin. Hindi naman namin alam kung totoo. Pero kung saka-sakali, sad, pero kung saka-sakaling mag-break, eh, ano po, good luck po sa TVJ and Mr. T. Mahal ko kayo, maraming pinagsamahan and mahal ko rin naman si Chairman dahil siyempre, eh, nagtrabaho ako, siya ‘yung boss namin noon, eh.

“Kaya ano na lang, sana maayos n’yo pa po. Eh, ‘pag hindi, good luck na lang po both parties. Sana ano na lang natin, i-cherish na lang natin ‘yung 44 years na magkakasama, ‘yung success po ng Eat Bulaga.”

Eh, paano kung pareho siyang alukin ng bagong management at ng grupo ng TVJ para sumama sa kanila?

Natatawang tugon ni Anjo, “Tutal suntok sa buwan lang naman ‘yung tanong, ang sagot ko na lang: First-come, first-served. Hahaha!”

AUTHOR PROFILE