Tulfo

Idol Raffy, dumami ang death threats sa Senado

March 12, 2023 Vinia Vivar 425 views

Sa halip na mabawasan, mas dumami pa ang death threats ni Idol Raffy Tulfo ngayong senador na siya.

“Nadagdagan,” natatawa niyang sabi via phone patch sa grand launch ng Radyo5 bilang 92.3 Radyo5 True FM sa Quezon City Memorial Circle last Saturday.

“Kasi, mayroong mga galit sa akin sa radyo, pulis, mga negosyanteng tiwali na ating inaaksyunan, hindi nagbibigay ng tamang pasuweldo.

“Pagdating dito sa Senado, mayroon tayong mga nasasagasaan sa pamamagitan ng pag-i-expose natin sa mga dapat ituwid.

“So, maraming nagagalit sa akin pero I have to do what I have to do,” aniya.

At siyempre, kahit senador na siya ay patuloy pa rin ang kanyang radio program sa Radyo5 na Wanted sa Radyo at hindi niya ito bibitawan.

“Kailangan ko ang radio program, hindi ko pwedeng bitiwan ‘yun. Kung hindi sa radio program ko, walang Raffy Tulfo ngayon sa Senado,” aniya.

Samantala, whole day affair ang grand launch ng bagong look at identity ng Radyo5 bilang 92.3 Radyo5 True FM, na ngayon ay pina-level-up ang larangan ng pamamahayag sa radyo sa pamamagitan ng kanilang mga news, information at entertainment program.

May bagong logo na, may bagong tagline pa na “Dito tayo sa totoo!”

Talagang handa nang maghatid ang 92.3 Radyo5 True FM ng fresh at dynamic na pakikinig para sa lahat ng kanilang listeners.

Nakalagay sa kanilang logo ang salitang True, kung saan ang bawat letra nito ay sumisimbolo sa kanilang mga prinsipyo sa pagbabalita at paglilingkod sa publiko.

Mapapakinggan dito ang mga radio program na Bangon Bayan with Mon ni Mon Gualvez, Ted Failon & DJ Chacha, Frontline Pilipinas at ang flagship news program para sa local at provincial news na Radyo5: Balita Pilipinas.

Nandito rin ang mga programang Sana Lourd ni Lourd de Veyra, Power and Play ni Noli Eala, Pinoy Konek ni Danton Remoto, Dr. Love ni Bro. Jun Banaag, Sagot Kita ni Cheryl Cosim, Healing Galing ni Dr. Edinell Calvario, Cristy Ferminute ni Cristy Fermin at Good Vibes nina Stanley Chi at Laila Chikadora.

Ngayon na may bago itong identity, ipinapangako ng 92.3 Radyo5 True FM na maghahatid ng dekalidad na mga programa na nakaka-engage, nagbibigay impormasyon at nagpapaligaya sa mga tagapakinig.

“We are excited to launch 92.3 Radyo5 True FM and introduce our listeners to our diverse programming lineup,” pahayag ni Raul dela Cruz, general manager ng National Broadcasting Corporation (NBC).

“We believe that radio remains a powerful medium that can inform, inspire and entertain. With our new identity, we are committed to providing our audiences with a listening experience that is relevant, engaging and entertaining.”

Ang 92.3 Radyo5 True FM ay mapapakinggan na on-air at live nationwide.

AUTHOR PROFILE