Covid-19

Jobless Pinoys

May 27, 2023 People's Tonight 191 views

KAGAYA ng ibang kababayan natin, kasama na ang mga mahihirap sa buong bansa, hindi na tayo nagtaka sa resulta ng pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS).

Ayon sa nasabing SWS survey, na isinagawa mula Marso 26 hanggang Marso 29, 69 percent ng adult Filipinos, o pito sa 10 Pinoys, ay nahihirapang maghanap ng trabaho sa bansa.

Paano tayo magtataka eh nandiyan pa rin ang epekto ng mahigit dalawang taong lockdown na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na nagpabagsak sa world economy.

Pero ang maganda lang ay kalahati sa 1,200 survey respondents ang optimistiko na marami pang nagbubukas na employment opportunities sa bansa sa susunod na labin-dalawang buwan.

Sa totoo lang ay marami na sa mga na-displaced na empleyado dahil sa kawalan ng kostumer bunga ng mga restriction na ipinatupad ng gobyerno ay nakabalik sa kani-kanilang trabaho.

Ang malaking problema ngayon ay may mga nagsarang business establishment, lalo na ang mga maliliit na negosyo sa buong bansa, ang nahihirapan pang maghanap ng puhunan.

Bilang isa sa world’s major manpower exporters, malaking tulong ito para hindi mahirapan ang ating gobyerno sa paghahanap ng mapasakung trabaho ang mga kababayan natin.

Hanggang ngayon nga ay mga Pilipino pa rin ang gustong-gustong kunin na trabahador ng maraming bansa, kabilang na ang Estados Unidos, Canada, Australia, Japan at Saudi Arabia.

Kahit ang ating mga marinero, babae at lalake, ay napaka-in-demand sa buong mundo dahil sa kanilang kasipagan, honesty, loyalty at ability to speak the English language.

Habang kulang pa ang trabaho sa Pilipinas, talagang malaking tulong ang dollar-oriented manpower export industry para magkaroon ng trabaho ang ating mga manggagawa.

Hindi ba, Department of Migrant Workers Secretary Toots Ople at Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma?

AUTHOR PROFILE