Elections

Magpa-drug test

May 26, 2023 People's Tonight 225 views

TALAGANG nakalulungkot ang balitang may mga opisyal ng barangay ang sangkot umano sa illegal drugs, na nananatiling isa sa mga pangunahing problema ng gobyerno at lipunan.

Ang lalong masakit ay may mga opisyal pa ng barangay na kasama sa listahan ng mga “high value individual,” ayon sa 228,000 -member Philippine National Police (PNP).

Sa report nga ni bagong PNP Chief General Benjamin C. Acorda Jr. ay “based on our update, there are more or less 430 barangay officials involved in the illegal drugs trade.”

Kumpara sa libu-libong barangay officials, kasama na ang mahigit na 42,00 village chairmen, sa buong Pilipinas, ang mga sangkot sa illegal na droga ay kukunti lamang.

Pero nasisira ang imahe ng mga matitinong opisyal at kawani ng mga barangay, na overworked at underpaid, dahil sa kagagawan ng iilang “bugok” na lingkod-bayan.

Kaya tama lang ang hamon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga kakandidato sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKEs).

Ang hamon ni DILG Secretary Benhur Abalos, na dating chairman ng Metropolitan Manila Development Authority, sa mga tatakbo sa October 30 twin-elections ay magpa-drug test sila.

Bago nito ay hinikayat ni Acorda ang mga kakandidato na suma-ilalim sila sa drug test para maipakita sa mga botante na malinis sila at hindi gumagamit ng mga illegal na droga.

Hanggang pakiusap lang ang magagawa natin dahil ang substance abuse ay hindi dahilan para madiskuwalipika ang isang kandidato base sa isang desisyon ng Kataastaasang Hukuman.

Sa tingin ng marami ay walang dapat ikatakot ang mga kakandidato kung hindi naman sila gumagamit ng mga ipinagbabawal na gamot, na kagaya ng shabu, cocaine at marijuana.

Oo nga naman!

AUTHOR PROFILE