Kimje

Jerald, nanginig kay Sharon

August 6, 2021 Ian F. Fariñas 418 views

NANGINIG pero tumaba naman daw ang puso ni Jerald Napoles nang malaman na personal choice siya ni Megastar Sharon Cuneta na makasama sa susunod na proyekto na gagawin para sa Revirginized director na si Darryl Yap.

Sa virtual mediacon kahapon ng latest starrer ni Jerald na Ikaw, Ako at Ang Ending kasama ang real-life girlfriend na si Kim Molina, halatang na-excite ang aktor nang tanungin tungkol kay Sharon.

Kung maaari nga lang daw, eh, gawin na nila agad ang nasabing pelikula kahit nasa enhanced community quarantine (ECQ) pa ang Metro Manila at mag-lock-in shooting na sila.

Kwento ni Jerald, avid Sharonian ang kanyang ina. Kaya naman nu’ng araw, tuwing magyayaya raw itong manood ng sine, Sharon Cuneta movie ang laging pinapanood nila.

Para sa aktor, affirmation sa career ang pagpiling iyon ni Sharon sa kanya.

“Parang gusto mo lalong gumaling… sakaling magkatrabaho kaming dalawa, gagalingan ko pa!” hirit pa ng stage/film actor sa Zoomcon.

Masaya naman si Kim para sa BF kung matupad nga ang pakikipagtrabaho kay Sharon.

Aniya, “Happy ako na ma-reach ni Je kung anuman ’yon. Deserve niya magkaroon ng ganu’ng recognition.”

Ibinuko rin niya kung gaano ka-excited ang BF nang mabasa ang article tungkol sa sinabi ni Sharon sa interview.

“Hinanap ko pa ’yung live, eh, na presscon,” saad ni Jerald.

“Excited na excited siya! Walang selos, walang competition sa aming dalawa. Sana nga matuloy (ang movie with Sharon and Direk Darryl),” wish ni Kim.

Anyway, ang Ikaw, Ako at Ang Ending ay mapapanood na sa Vivamax, ktx.ph, iWantTFC at TFC IPTV simula August 13 sa ilalim ng direksyon ni Irene Villamor.

Kwento ito ng dalawang hopeless strangers na magkakakilala at magmamahalan sa panahong pareho nilang tinatakasan ang madidilim na karanasan sa buhay.

Ang Ikaw, Ako at Ang Ending ang ikalawang proyekto ng magdyowa ngayong 2021 kasunod ng matagumpay na Ang Babaeng Walang Pakiramdam sa Vivamax.

AUTHOR PROFILE