Janno Gibbs

Janno sa ‘Mang Jose’ costume: Okey lang naman bumakat!

December 17, 2021 Ian F. Fariñas 344 views

WALANG kaso sa komedyanteng si Janno Gibbs kung pagkaguluhan ng netizens ang hapit na costume niya bilang isang super hero sa pinakabagong pelikula na handog ng Vivamax, ang Mang Jose.

After all, sa virtual mediacon ng movie, kung saan kasama niya sa kauna-unahang pagkakataon ang misis na si Bing Loyzaga at ex-GF na si Manilyn Reynes, naikwento ni Janno ang hirap na pinagdaanan sa pagsusuot ng Mang Jose costume.

Aniya, “Medyo mabigat lang ang costume. May helmet, kaya mahirap sa fight scene.”

Wala ring problema sakali ngang bumakat ang harapan niya rito.

Hirit niya, “Okey lang naman bumakat! Pero, first time kong nakita ang costume, napa-‘wow’ ako agad. Sa pelikula nga, scene-stealer talaga ang costume na nagawa ng production.”

Para naman kay Bing, isa raw si Manilyn sa mga naging rason kung bakit niya tinanggap ang nasabing proyekto.

Hindi raw niya mapapalampas ang pagkakataon na magkasama sila sa isang pelikula for the first time.

“So, grab agad!” ani Bing.

Kontrabida man ang papel na ginagampanan, gandang-ganda naman si Manilyn sa role niya.

“First time naming nagsama ni Bing at sa ganitong role ko pa, ha! Hahaha!” natatawang banggit ni Manilyn.

Dagdag ng singer-actress, “Lahat tayo lumaki sa kanila, sa loveteam nila. Pampagulo ako doon! Pero madali lang ang proseso. Hindi naging mahirap ang umoo, katulad ni Bing, na when I found out na kasama siya, parang chance na rin ito na after a long time, magkasama, magtrabaho. Sobrang walang katapusan ang daldalan sa shooting, ganu’n ang nangyari.

“Even when Janno called and Viva, wala namang naging problema. Natuwa naman si Aljon (Jimenez, mister niya). Natuwa siya na mapapanood ulit ang loveteam.”

Directed by Rayn Brizuela, ang Mang Jose ay mapapanood via streaming sa Vivamax simula December 24.

AUTHOR PROFILE