Jane

Jane, naiyak sa ‘Darna’ headdress

October 3, 2021 Ian F. Fariñas 407 views

Ngayong Nobyembre na magsisimula ang taping ng inaabangang Darna: The TV Series na pagbibidahan ni Jane de Leon, kaya’t halu-halo na ang emosyong nararamdaman ng aktres na busy nang naghahanda para bigyang-buhay ang tumatak na Pinay superhero.

“Kinikilig ako na excited na kinakabahan sa totoo lang. Iba pa rin ang pakiramdam kapag malapit na kasi malapit na talaga kaming magsimula,” ani Jane sa naging eksklusibong panayam niya sa TV Patrol.

Ayon sa Kapamilya actress, patuloy ang pagwo-workout at pagda-diet niya para sa gagampanang papel.

Ikinuwento rin niya ang naramdaman noong sinukat niya ang costume na gagamitin sa programa.

“Actually nakapag-fit na ako ng costume. Naiyak ako, ’yung feeling na nilalagay na sa akin ’yung headdress. Nagpapasalamat ako kay Lord na matutuloy na,” sabi pa ni Jane.

Kasabay ng pagte-training para sa programa ang paggunita sa ika-115 birth anniversary ng Darna creator na si Mars Ravelo sa Oktubre 9 kaya’t ibinahagi rin ng aktres ang pagpapasalamat niya sa pagkakataong magampanan ang natatanging karakter.

Aniya, “Gusto kong pasalamatan ang Ravelo family sa ‘di matatawarang legacy na paglikha sa superhero natin na si Darna at sa pagtitiwala sa akin na ibigay ang bato. Maraming salamat po.”

Nabanggit din sa nasabing report na papangalanan na ang magiging director ng serye sa susunod na linggo.

AUTHOR PROFILE