Default Thumbnail

‘It’s safer, more fun in PH’ — tourism frontliners

October 17, 2021 People's Tonight 560 views

NAKAHANDA ang industriya ng turismo na magbukas ng operasyon anumang araw na ihudyat ng pamahalaan ang “greenlight” sa pagpapapasok ng mga dayuhang turista sa bansa.

Ang Turismo Isulong Mo Partylist (TURISMO) ay nagpahayag ng kasabikan kasunod ng pagbagal ng pagdami ng COVID-19 cases batay sa talaan ng Department of Health (DOH).

“Ang naiulat na pagbuti sa sitwasyon ng public health ay nagbibigay ng pag-asa sa aming tourism industry stakeholders na malubhang naapektuhan ng travel ban at border restrictions sa buong kapuluan,” sabi ni Atty. Marco Bautista, nominee at spokesman ng TURISMO Partylist.

Makaraan ang isang taon at siyam na buwan ng pandemya, ang industriya ng turismo ay handang-handa na dahil bakunado na rin ang “frontline” ng mga tourism workers kaugnay ng government vaccination program, pagdidiin ni Bautista.

Ayon pa kay Bautista, dagsa ang mga hinaing na bawiin na ng Inter-Agency Task Force on emerging infectious diseases (IATF) ang travel ban at payagan ang pagpasok ng fully-vaccinated foreign tourists.

Sa kasalukuyang IATF guidelines, tinatanggap lamang ng Immigration authorities ang mga legal spouses ng Filipino citizens at mga Balikbayan, foreign diplomats at banyaga na may investor’s visa.

Pinuri ni Bautista, na isang former mayor ng San Juan, Abra, ang hakbang ng ilang local government units (LGUs) na luwagan ang kanilang border requirements para palawigin ang domestic tourism.

“With more Filipinos getting inoculated and more getting adapted to health protocols, we believe it’s safer and it’s more fun in the Philippines,” dagdag pa ni Bautista.

Nilinaw din ng dating Tourism Undersecretary na ang TURISMO Partylist ay isang independent non-profit organization at hindi konektado sa Department of Tourism (DOT).

AUTHOR PROFILE