ITIM

‘Itim’ nina Mike at Charo, tampok sa QCinema int’l filmfest

November 14, 2022 Ian F. Fariñas 272 views

Tampok sa ika-10 edisyon ng QCinema International Film Festival ang digitally-restored version ng Pinoy classic na Itim, sa direksyon ni Mike de Leon na nagbigay din kay Charo Santos ng kanyang unang Best Actress award sa 1978 Asian Film Festival.

Ito ang kauna-unahang pelikulang idinerehe ng award-winning director na si Mike, ito rin ang unang major acting role ni Charo sa isang pelikula na pinagbidahan din nina Tommy Abuel, Mario Montenegro, Mona Lisa at Susan Valdez.

Mapapanood ito sa Digitally Restored Classics category ng QCinema Film Festival mula Nobyembre 17 hanggang 26.

Mula nang una itong ilabas noong 1976, patuloy pa ring kinikilala ang pelikula sa iba’t ibang dako ng mundo, kabilang ang international screening sa Cannes Film Festival nitong Mayo.

Nagwagi rin ito ng kabi-kabilang parangal, isa na rito ang Best Film of the Decade distinction sa 1981 Gawad Urian.

Sa isang panayam, binalikan ni Charo kung paano niya nakuha ang lead role. Aniya, nadiskubre siya ng beteranong direktor na si Lino Brocka sa isa sa mga sinalihan niyang pageant.

Matapos nito ay pinakiusapan siyang mag-audition sa lead role ng unang pelikulang ididirek ni Mike.

Lubos ang pagrespeto ni Charo sa direktor at aniya, marami siyang napulot na mahahalagang aral na hanggang ngayon ay idinadala niya sa industriya bilang aktres at producer.

Pakatutukan ang digitally-restored version ng Itim sa 10th QCinema International Film Festival mula Nobyembre 17-26 sa Gateway Cineplex 5/1 at Power Plant Cinema 6.

AUTHOR PROFILE