Default Thumbnail

Intsik nagwala, nagbasag ng bote sa harap ng condo

April 28, 2023 Edd Reyes 267 views

HIMAS-rehas ang isang dayuhang Chinese nang magwala sa tapat ng isang condominium Miyerkules ng gabi sa Parañaque City.

Nabulabog ang katahimikan sa paligid ng luxury condominium sa Roxas Boulevard, Bgy. Baclaran, Parañaque City nang magwala at nanggulo ang Chinese national na si Liang Bo, 24, residente ng Lungsod ng Maynila sa hindi pa malamang kadahilanan.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, nagapatrolya ang mga tauhan ng Baclaran Police Sub-Station nang marinig nila ang malakas na sigaw na sinundan ng pagbabasag ng bote dakong alas-11:30 ng gabi sa harap ng gusali ng condo.

Nang lumapit ang mga pulis, naaktuhan pa nila ang pagbabasag ng bote ng dayuhang Intsik na sumisigaw ng kanilang lenggwahe, kaya’t nilapitan at kaagad na dinakip siyang upang hindi na makalikha pa ng panggugulo.

Hindi naman malaman ng mga pulis ang dahilan ng pagwawala at pagbabasag ng bote ng dayuhan dahil hindi maunawaan ang kanyang mga sinasabi.

Nitong Huwebes ng hapon ay iprinisinta na ng mga pulis sa Parañaque City Prosecutor’s Office ang dayuhan para isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa kasong alarm and scandal na isasampa laban sa kanya.

AUTHOR PROFILE