Default Thumbnail

Importasyon ng sibuyas

January 10, 2023 Paul M. Gutierrez 6033 views

PaulPINAYAGAN na ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng 21, 060 metrikong tonelada ng sibuyas para mapunan ang kakulangan sa suplay at mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo nito sa lokal na pamilihan.

Maglalabas umano ang DA ng sanitary at phytosanitary import clearance (SPSIC) para sa importasyon ng “fresh yellow” at “fresh red onion” mula Enero 9 hanggang Enero 13, 2023. Hanggang Enero 27 naman ang ibinigay ng DA sa mga licensed importer para sa kanilang shipments na darating sa bansa.

Nasa 3,960 metric tons na fresh yellow onion at 17,100 metric tons naman sa fresh red onion ang nakatakdang angkatin ng Pilipinas.

Dito lang din nauwi ang problema sa ‘kakulangan’ ng suplay ng sibuyas sa merkado na ngayon ay umaabot sa P700 piso ang kilo. Kaya po tuwang-tuwa po muli ang mga nag-iimport dahil malaking kita ito para sa kanila.

Alam po natin na kapag nag-iimport tayo ng mga produkto mula sa ibang bansa ay dolyar po ang inilalabas ng Pilipinas na lalong nagpapahina sa piso. Maliban po sa lalong natatalo ang mga lokal na magsasakang Pilipino.

Ang nakakainis lamang sa problemang ito ay alam nating isang agricultural na bansa ang Pilipinas pero kinukulang tayo sa mga basic agricultural crops gaya ng sibuyas. Sa ganang atin po, mahirap masabi na nauubusan tayo ng supply.

Ito rin ang tinitignan na dahilan ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez kung bakit mataas ang presyo ng sibuyas. Kung papaniwalaan po natin ang ulat umano na natanggap nila na may “negosasyon” na nangyayari sa Tarlac at Nueva Ecija sa bentahan ng sibuyas.

Naniniwala po tayo na may suporta ang DA pagdating sa ating mga magsasaka.

Dapat na natitiyak ng DA na mas tumataas ang produksyon ng ating mga magsasaka para matiyak ang suplay at maiwasan ang pag-aangkat.

Dahil bakit ang ibang mga bansa ay nagagawa nilang maging sapat ang suplay ng kanilang sibuyas at nagagawa pa nilang mag-export samantalang tayo ay kapos na kapos para sa isang agricultural na bansa.

Sa ganitong panahon marami ang nakakapagsamantala at may kakayanan na kontrolin ang suplay ng sibuyas para makuha ang gusto nilang presyo kung saan sila kikita. Hindi na bago ang hoarding sa ganitong panahon, naniniwala tayo na may gumagawa nito.

Ang hamon na lamang sa DA ay mas mapaigting ang paglaban dito. Nasa kapangyarihan ng DA kung gugustuhin nitong may mahuhuli at makukulong sa mga gumagawa ng manipulasyon sa presyo ng sibuyas.

Abangan!

AUTHOR PROFILE