Hontiveros Sen. Risa Hontiveros

ILABAS MO TAPANG MO SA SENADO

April 8, 2024 PS Jun M. Sarmiento 67 views

Hamon ni Risa kay Pastor Apollo:

TAHASANG hinamon ni Sen. Risa Hontiveros si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder at lider, si Pastor Apollo Carreon Quiboloy, na ilabas ang tapang nito sa Senado mismo at sa harap ng mga humahabol sa kanya patungkol sa mga kasong ibinabato sa kanya ng mga ito.

“Kung totoong matapang ka, ulitin mo lahat ng sinabi mo tungkol sa Senado, dito sa Senado. Make your words of record. Record your shameless audacity in history,” ani Hontiveros, kung saan ay minaliit din nito ang kamakailang mga binitiwang salita gamit ang kanyang mga diumano’y kakamping vloggers.

Ayon kay Hontiveros, kailangang patunayan ni Quiboloy na hindi siya natatakot gaya ng mga unang sinabi niya, at iginiit nito na walang saysay ang kanyang depensa kung hindi niya kayang harapin ang mga nagaakusa sa kanya.

Pinaalala din ni Hontiveros kay Quiboloy na sinabi nitong haharap lamang siya sa korte, ngunit ngayon aniya’y hindi na ito makita at nagtatago na sa kanyang lungga.

“Pastor Quiboloy, lumabas ka na sa lungga mo. Tutal nagpapa-interview ka na rin sa mga vlogger, aba, magpa-interview ka na rin sa amin sa Senado,” paghahamon ni Hontiveros.

Si Quiboloy ay kasalukuyang nahaharap sa mga kasong sekswal na pangaabuso, partikular sa mga menor de edad, at iba pang kaso tulad ng human trafficking na diumano’y ginawa niya sa ilang dating miyembro ng KOJC.

Ang imbestigasyon ni Hontiveros sa ilalim ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality ay nag-isyu na ng warrant of arrest sa KOJC lider matapos nitong isnabin ng makailang ulit ang imbitasyon at subpoena ng Senado.

Para kay Hontiveros, walang epekto ang mga istoryang pinalalabas ni Quiboloy kahit pa aniya baluktutin niya ito, dahil sa katotohanang hindi niya madepensahan ng harapan ang kanyang sarili at patuloy siyang nagtatago.

“Hindi naman naitago ng mga audio file na ‘yan ang takot mo matapos umalingasaw ang katotohanan,” ani Hontiveros.

Idinagdag pa ng senadora na nagpapakitang tapang lamang si Quiboloy sa loob ng kanyang lungga kung kaya’t walang saysay aniya ang mga sinasabi nito, gaya ng paratang niya na puro kasinungalingan at imbento lamang ang mga akusasyon laban sa kanya.

“Wala kang katiting na ebidensiya laban sa aming mga matatapang na witnesses. At wala kang karapatang siraan ang institusyon ng Senado at ang mandato nito,” giit ng senadora.