HK2

Hong Kong adaptation ng ‘Business Proposal’ mapapanood sa Viu

December 2, 2023 Ian F. Fariñas 261 views

Sa pagpapatuloy ng paghatid ng premium Asian content, may bagong palabas sa Viu Philippines na ikatutuwa at kakikiligan ng mga manonood – ang Hong Kong adaptation ng webtoon-turned-series na Business Proposal.

Para sa Hong Kong version, ang model at actress na si Hanna Chan ang gaganap na empleyadang magpapanggap bilang mayamang best friend niya sa isang blind date habang ang singer na Anson Lo ang CEO na pine-pressure ng kanyang lolo na makahanap ng mapapangasawa.

Mapipilitan ang empleyadang ipagpatuloy ang pagpapanggap nang madiskubreng ang ka-date niya pala ay ang kanyang big boss sa kumpanya na ngayon ay nag-aalok pa ng kasal.

Ang singer na si Edan Lui ay gaganap na executive assistant ng boss na mai-in love sa mayamang career woman na gagampanan ng aktres na si Shirley Sham.

Ang storya ng Business Proposal ng Hong Kong ay malapit sa storyline ng orihinal na hit na webtoon. Isang bagay na ikinatuwa ng webtoon creator na si HaeHwa.

Malugod na tinanggap ng Asian drama fans sa Hong Kong ang pagpapalabas ng sarili nilang Business Proposal.

Ang leading men na sina Edan at Anson ay kabilang sa popular Hong Kong boy group na Mirror.

Ang ilang detalye sa kuwento ay pinalitan — gaya ng imbes na fried chicken ang produkto ng kumpanya ng big boss, gagawing itong Hong Kong-style restaurant — para mas lalong maka-relate sa viewers.

Ang ilang karakter ay bibigyan din ng expanded roles.

Ang mga bagong episode ng Business Proposal (HK adaptation) ay matutunghayan Lunes hanggang Biyernes sa Viu.

AUTHOR PROFILE