Paul Gutierez

Hinog na si Sec. Benhur sa Senado!

April 1, 2024 Paul M. Gutierrez 81 views

KUNG karanasan at track records ang pag-uusapan, hindi pahuhuli itong si DILG Sec. Benhur Abalos, kumpara sa marami nating opisyal ng gobyerno, partikular sa mga elected officials.

Katunayan, sa isang survey na isinagawa noong December 27, 2023 hanggang January 5, 2024, nanguna ang mahusay na DILG Chief bilang top performing Cabinet member matapos makakuha ng napakataas na 92 percent na marka.

Isinagawa ang survey ng “Boses ng Bayan’’ Annual Performance Report 2023 ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD).

Bago pa man naging DILG secretary, malawak na ang karanasan sa public service ni Sec. Benhur bilang 5-term mayor at one-term congressman ng Mandaluyong.

Marahil, ang mga natamong ito, bukod pa sa malawak na karanasan at ‘sandamakmak na mga kaibigan at kaalyado saan mang sulok ng ‘Pinas, ang isa sa mga dahilan kung bakit siya ang kinuhang campaign manager ni PBBM noong nakaraang halalan.

For the record, sa unang termino niya bilang neophyte mayor noong 1998-2001 ay naitaguyod niya ang lungsod upang bansagang “Tiger City of the Philippines.” Sa kanyang termino nagsulputan ang malalaking negosyo at establisiyamento sa lungsod.

Noong 2004 ay naging kinatawan siya ng lone district ng Mandaluyong ng isang termino hanggang 2007 at nakapag-akda siya ng 25 House bills at co-author ng 54 iba pa, kabilang ang Republic Act 9397 o ang Amended Urban Development Housing Act ng 1992.

Muli siyang bumalik bilang mayor noong 2007 at sa kanyang tatlong termino hanggang 2016 ay lalong yumabong ang kanyang karanasan at pakikisama sa mga local government officials.

Siya ang unang alkalde na naging pangulo ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na karaniwang pinamumunuan ng isang gobernador. Ang ULAP ay binubuo 1.2 milyon elected at appointed local officials sa buong bansa.

Hinirang din siyang pangulo ng League of Cities of the Philippines na binubuo ng 122 siyudad sa bansa. Isa pang record, si Sec. Benhur ang unang mayor na humawak sa dalawang prestihiyosong organisasyon sa magkasabay na termino.

Kaya naman ipinagkatiwala ni PBBM ang sensitibong tanggapan tulad ng DILG sa isang tulad ni Sec. Benhur na malawak ang karansan, dahil “taga sa panahon.”

At alam nating “hinog” na rin si Sec. Benhur upang maglingkod sa mas mataas na larangan ng serbisyo publiko, ang Senado.

‘Ika nga sa isang dating programa ni kasamang Gus Abelgas, “hindi nagsisinungaling ang ebidensiya!”

Kaya nga, nagtataka naman tayo sa mga nagsusulputan na mga survery sa mga “dapat” maluklok sa Senado: Bakit ba hindi man lang isinasama ang pangalan ni Sec. Benhur sa mga puwedeng pagpilian?

Sinasadya ba dahil sa dami ng mga ambisyosong magsenador, ‘insecure’ sila na mas paboran ng taumbayan si Sec. Benhur?

Nagtatanong lang naman.

Abangan!

AUTHOR PROFILE