Default Thumbnail

Hindi rin palaging ‘papasok’ ang Pasko

December 26, 2023 Allan L. Encarnacion 124 views

Allan EncarnacionMATAGAL ko nang hindi inasa ang kaligayan ko pag Pasko kahit kanino.

Noong bata ka pa, looking forward ka kung ano ang matatanggap mong regalo mula kay Santa Claus kahit na naging naughty or nice ka paminsan-minsan.

Iyong pagkagising mo matapos magpuyat ng noche buena ay nakatingin ka na agad sa ilalim ng Christmas tree dahil sa pananabik mong magbukas ng regalo.

Tapos, hindi ka pa nag-aamusal sa mismong araw ng Pasko, kanya-kanyang larga na kayo papunta sa mga ninong at ninang, mga tiyuhin at tiyahin. Malaki pa ang halaga ng pera noon kaya kahit diyes sentimos lang ang ibibigay ng mga kamag-anak, tuwang-tuwa na kami.

Iyong mga ninong at ninang na medyo bigtime, mga 5 pesos or sampung piso or beinte kapag maganda gising nila pagkamano mo. Tapos habang pauwi na kayo, bibili kayo ng mansanas na nilalako sa kariton, sobrang tamis kahit mahal sa halagang kinse sentimos! Pangus-pangos nyo iyon habang nagpapayabangan kayong naglalakad sa 6th Avenue sa Caloocan City kung sino ang mas malaking nakuhang aginaldo.

Ganoon na umiikot ang Pasko ng bata. Mababaw lang, happy lang.

Habang lumalaon ang panahon, nakatapos ka ng elemetarya, sekondarya hanggang kolehiyo, iikot na naman ang mga bagong Pasko. Tumaas na ang level ng expectation. Umaasa ka ulit sa mga matatanggap mong regalo. May mga magagandang regalo, may mga mumurahin, may mga hindi rin naman swak sa iyong panlasa. Pero sabi nga, it’s the thought that counts.

Lalo na nang makapagtrabaho ka, mga bagong circle of friends, mga bago kakilala at bagong environment. Umikot na naman ang isa pang Pasko kaya kung anu-ano na naman ang inaasahan mong matatanggap na regalo.

Hanggang umabot ka na sa pagpapamilya at lumago ang iyong career matapos ang 30 years na pagsusumikap. Mas lumawak na ang pagmumulan ng regalo tapos iyong mga bagong sirkulo ng iyong mga kaibigan ay kakaiba na rin. From common tao hanggang sa mga nasa high places of the society ay kasama mo na rin.

Taun-taon, ganoon palagi. Pero ang totoo, hindi ko na matandaan kung kailan nagsimula ang from high expectation to no expectation at all. Hindi ko alam kung nangyayari din sa inyo ito, iyon bang wala ka nang expectation sa anumang regalo na matatanggap mo kapag Pasko.

Ipinagpapasalamat ko pa rin naman lahat ng mga natatanggap kong regalo kapag ganitong Christmas season at marami pa rin naman ang nagbibigay. Pero hindi na katulad noong bata-bata ka na looking forward at lumulundag sa saya tuwing nakakatanggap ng regalo.

Ganoon ata talaga kapag dumating ka na sa edad na ang mahalaga na lang sa iyo ay maayos na pamilya, payapang mundo, kakuntentuhan kung anuman ang mayoon ka at kahit paano nakakapag-share ka sa iba.

Sabi ng mga religious scholars, ang totoong diwa ng Pasko ay iyong mismong sabsaban. Sa mga hindi nakakaalam kung ano ang hitsura ng sabsaban, ito iyong higaan ng sanggol na gawa sa natuyong dayami or talahib. Ipinakikita rito na kailangang maging simple sa kabila ng iyong hawak na kapangyarihan, sa kabila ng iyong katanyagan, sa kabila ng iyong katayuan.

Anuman ang maryoon ka, anuman ang wala sa iyo, ang kaligayahan ng Pasko ay nasa iyo…patungo sa iba, palaging palabas, hindi palaging papasok.

Christmas is sharing, Christmas si giving, mas masayang magbigay kaysa tumanggap. Sabi nga, the receiver is happy but the giver is happier.

Maligayang Pasko sa ating lahat.

[email protected]