Paul Gutierez

Buhos ang Biyaya at Malasakit!

June 24, 2024 Paul M. Gutierrez 101 views

PATULOY ang ginagawang pag-iikot ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga rehiyon sa bansa upang ipadama na hindi tumitigil ang gobyerno sa pagganap sa tungkulin upang alamin at tugunan ang mga pangangailangan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Nitong June 7 ay nagtungo si PBBM sa rehiyon ng Bicol at pinangunahan ang pamamahagi ng may P162 milyon halaga ng ayuda sa mga apektadong magsasaka at mangingisda dulot ng El Niño.

Isang araw bago ito, matagumpay naman nating nailusad sa Legazpi City ang ‘Second Bicol Social Media Summit’ katuwang ang Bicol Press Club bilang pagtupad sa atas sa ating ahensiya ni PBBM na magsikap tayong makagawa ng “ligtas na kapaligiran para sa midya” (safe media environment).

Kabilang naman sa mga nakatanggap ng biyaya sa pagpunta ni PBBM sa ‘Oragon Country’ ang mga lalawigan ng Camarines Sur na tumanggap ng P50-milyon; Albay P41.55 milyon; Masbate 36.79 milyon; Sorsogon P13 milyon; Camarines Norte 10.28 milyon; at Catanduanes P10.23 milyon.

Literal na walang probinsiya na “naiwan sa laylayan” sa Bicoldahil lahat ng apektado ng matinding tag-tuyot ay kinalinga ng pamahalaan.

Bukod dito, namahagi rin si PBBM sa naturang rehiyon ng kabuuang 2,115 certificate of land ownership o CLOA at electronic titles (e-titles) sa may 1,965 agrarian reform beneficiaries, bukod pa ang 617 farm machinery at equipment na nagkakahalaga ng P20.66 milyon; gayundin, ang pag-turnover ng natapos na walong (farm-to-market road projects sa iba’t ibang local government units sa Camarines Sur

Masasabi natin na parang Bicolano ang presidente sa dami ng ibinuhos na tulong at proyekto sa rehiyon.

“Titiyakin po natin na ang bawat ayuda na [ipapamahagi] namin ay [makakarating] sa lahat ng mga pinaka-nangangailangan,” sambit pa ng pangulo sa kanyang talumpati.

Halos ganito rin ang naging kaganapan sa Caraga Region kung saan nasa kabuuang P158.15 milyon financial assistance ang ipinagkaloob ni Pangulong BBM batay sa commitment ng pamahalaan na suportahan ang mga sektor na apektado ng matinding tagtuyot.

Personal na ipinamahagi ni PBBM ang mga financial assistance sa Surigao del Sur (P12.48 milyon); P50 milyon sa Agusan del Sur; Butuan City (P46.84 milyon); P28.26 milyon sa Agusan del Norte; P10.57 milyon sa Surigao del Norte; at P10 milyon sa Dinagat Islands.

Namigay din ang Pangulo ng tig-P10,000 cash assistance sa may 9,195 beneficiaries sa Surigao del Sur at 4,650 beneficiaries sa Agusan del Norte at Butuan City.

Sa sektor naman ng transportasyon, ipinaramdam ni PBBM ang malasakit nito nang ipag-utos sa Toll Regulatory Board (TRB) na suspendihin ang paninigil ng toll fee sa Cavitex, batay na rin sa rekomendasyon ng Philippine Reclamation Authority o PRA, na pinamumunuan naman ng mabait na kaibigan natin na si Atty. Alex Lopez.

Ginawa ni Atty. Lopez ang rekomendasyon dahil parehas sila ni PBBM ng saloobin at pagmamalasakit sa sektor ng transportasyon, na lubhang apektado ng walang humpay na pagsipa sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Makikinabang sa direktibang ito ang lahat ng uri ng sasakyan na dumadaan sa Manila-Cavite expressway na sumasakop sa Taguig, Parañaque, Las Piñas, Bacoor at Kawit sa Cavite.

Bukod dito, layunin din ng Pangulo na maipagmalaki at maipakita ang mga bagong binuksan na kalsada at expressway na nasasakupang ng Cavitex.

Ang mga ginagawang ito ng ating Pangulo ay patunay at ramdam ng bawat ordinaryong Pilipino na mayroong gobyerno na kumakalinga at tumutugon sa kanilang mga pangangailangan.

Naniniwala tayo na tuloy-tuloy ang mga ganitong programa ng ating pamahalaan dahil ito ang gobyernong tunay na may malasakit, kaya tiyak na laging Buhos ang Biyaya at Malasakit (BBM)!

AUTHOR PROFILE