Default Thumbnail

Higit 217K PNP personnel binigyan ng incentives

January 7, 2023 Zaida I. Delos Reyes 201 views

UMAABOT sa 227,604 uniformed at non-uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP) ang nakatanggap na ng kanilang Service Recognition Incentives (SRI) hanggang Enero 4, 2023.

Ayon kay PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr., ang datos ay mula sa PNP Finance Service.

Aniya, lahat ng qualified PNP personnel ay tumanggap ng P7,000 ayon sa uniform rate mula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng PNP.

Ang pagbibigay ng SRI sa mga nagtatrabaho sa gobyerno ay alinsunod sa kautusan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ilalim ng Executive Order (EO) No.1 na naglalayong kilalanin ang serbisyong ibinibigay ng mga government employees partikular na sa panahon ng pandemiya.

“On behalf of the men and women of the PNP we express our gratitude to the President for granting SRI to our PNP personnel and other government employees in the country. Tayo ay nagpapasalamat sa patuloy na pagtitiwala sa ating kapulisan at sa pagkilala sa ating serbisyo para sa kaligtasan ng bawat mamamayang Pilipino,” pahayag ni Azurin.

Ang halaga ng SRI na natanggap ng mga empleyado ay isinailalim sa 25% hanggang 30% tax sa alinsunod sa TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law.