Bong Go

Hidwaang Obiena-PATAFA tinalupan ni Bong Go

February 8, 2022 People's Journal 123 views

PINANGUNAHAN ni Senate Committee on Sports chair, Senator Christopher “Bong” Go ang pinagsamang pagdinig ng Senate Committee hinggil sa hidwaan sa pagitan ni pole vaulter Olympian Ernest John “EJ” Obiena at ng Philippine Athletics Track and Field Association.

Sa pangunguna sa pampublikong pagdinig ng Senate Sports Committee, kasama ang Finance Committee, binigyang-diin ni Go ang pangangailangang tukuyin ang mga posibleng interbensyon ng gobyerno upang malutas ang mga isyu o gumawa ng mga kinakailangang batas upang maiwasang maulit ang gayong mga salungatan.

Pagkatapos ay hinimok niya ang mga kinauukulang ahensya at organisasyon na laging unahin ang kapakanan ng mga atleta.

“Nandito po tayo ngayon para pag-usapan ang mga isyung ito at tugunan po ang ugat ng mga nakakagulat na pangyayari. Sa akin naman po, nandito po ako para pumagitna sa PATAFA at kay Mr. Obiena para maayos ang gusot na ito,” ani Go.

“Priority ko pong maiwasan at hindi na maulit ang mga sitwasyong katulad nito,” dagdag niya.

Ang hindi pagkakaunawaan ay sanhi ng pagkaantala ng mga pagbabayad sa Ukrainian coach ni Obiena, si Vitaly Petrov. Una nang inutusan ng PATAFA si Obiena na ibalik ang mga pondong inilaan para kay Petrov, na inaakusahan ang pole vaulter ng pekeng mga rekord ng paglustay. Parehong pinabulaanan nina Obiena at Petrov ang mga pahayag.

Ang Philippine Sports Commission (PSC) ay unang pumasok bilang isang tagapamagitan, na hiniling kina Obiena at PATAFA na itigil ang paggawa ng mga pahayag sa publiko. Ipinahayag ng PSC na mananatiling bukas ito sa pangunguna sa anumang pamamagitan sa pagitan nina Obiena at PATAFA.

Mariing inirekomenda ni Go sa PSC na regular na makipagpulong at makipag-ugnayan sa Philippine Olympic Committee upang matiyak na ang lahat ng tulong na kailangan ng mga atleta ay agad na maibibigay at ang mga naturang tunggalian ay agad na naresolba.

“Alam n’yo, tuwing mayroong Asian Games, mayroong Southeast Asian Games – even the recent Southeast Asian Games, pagkatapos, after giving honor to our country eh ang nangyayari doon na naman ‘yung nagsisisihan – Saan na ‘yung pera? Anong nangyari? Sino ang nakatanggap? Walang katapusan,” ani Go.

“So, ibig kong sabihin dito, kaya nga mayroon tayong PSC, it’s high time na you should step up at magpagitna, hindi ‘yung Senado ang referee dito. Kami rito gagawa kami ng, maybe, bagong batas na para palakasin ang PSC dahil dito… tapusin natin ito ngayong araw na ito at ang PSC po dapat ang magpagitna d’yan,” aniya pa.

Pagkatapos ay sinabi ni Go na ang pagdinig ay naglalayong makabuo ng mga makabuluhang rekomendasyon bilang tulong sa batas upang palakasin ang moral ng mga atleta, mapabuti ang kanilang pagganap sa kani-kanilang larangan, at pagyamanin ang mas mabuting ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang sports organization at mga atleta.

“Gayunpaman, dapat nating gawin ito sa diwa ng patas na laro at katarungan,” anang mambabatas

Samantala, binigyang-diin ang patuloy na pangako ng gobyerno na palakasin ang programa sa palakasan ng bansa at pangalagaan ang kapakanan ng mga atleta.

Ipinunto ni Go na hindi nagkataon lamang ang magandang performance ng Pilipinas sa iba’t ibang international sports competition nitong mga nakaraang taon.

Napansin ni Go ang disenteng pagpapakita ng Pilipinas sa 2018 Asian Games at kahanga-hangang pagganap noong 2019 Southeast Asian Games kung saan nangunguna ang bansa sa medal tally. Nakasungkit din ang bansa ng kabuuang apat na medalya, kabilang ang una nitong Olympic gold, sa 2020 Tokyo Summer Olympics.

“Marami pong kababayan natin ang hanga sa ating mga atleta dahil sa sakripisyong ipinakita sa kanila. Araw-araw nilang binubuhos ang lahat ng makakaya nila sa training, kahit nasa kalagitnaan tayo ng pandemya,” ani Go.

AUTHOR PROFILE