Helper nahulihan ng ‘sample ballots’ sa Kyusi
INARESTO ng mga awtoridad ang 26-anyos na helper nang maispatang namamahagi ng “shaded sample ballots” sa loob mismo ng isang paaralan sa Quezon City, nitong Lunes ng umaga.
Ang suspek ay nakilalang si Edward William Algura, 26, binata, helper/laborer, ALS graduate, at residente ng A Magat Salamat, Bgy. Marilag, Project 4, Quezon City.
Nakumpiska sa suspek ang ginutay-gutay na shaded sample ballots na may markings na “EWGA 1 to 3 05-09-2022”.
Sa report ni PCMS Elizalde T. Toledo ng Project 4 Police Station (PS 8) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 8: 28 ng umaga, May 9 araw ng eleksyon, nadiskubre ang umano’y distribusyon ng “shaded sample ballots” sa loob ng Teodora Alonzo Elementary School, na matatagpuan sa Legaspi St., Bgy. Marilag, Project 4, Quezon City.
Batay sa pahayag ng testigong si Nonilon Esteban, 44, law student sa Philippine Law School, at Admin Officer sa San Beda University at si Cyril Abadilla, 30, law student sa Philippine Law School, at content moderator sa Google, nasa loob sila ng paaralan bilang paralegal officers ni Councilor Franz Pumaren.
Itinalaga umano ang mga nabanggit na law students nina Atty. Sandra Santos at Atty. Jenny Yarisantos, na nagtatrabaho sa legal clinic ng nasabing konsehal.
Ayon sa mga law students, nakita nila ang suspek na palakad-lakad sa loob ng paaralan at namamahagi ng mga sample ballots na may mga “shaded” ng mga kandidato mula sa national at local sa mga botante.
Agad namang ini-report ang insidente kay Joey Santos, Department of Education (DepEd) Supervising Officer na nakatalaga sa Teodora Alonzo Elementary School at kinumpiska ang mga sample ballots saka pinunit.
Una nang inanunsiyo ng Comelec (Commission on Elections) na bawal na ang pamamahgi ng polyetos o anumang election propaganda sa ilalim ng section 85 par (a) ng Omnibus Election code sa araw mismo ng halalan.