Cristy

Hamon ni Cristy sa kampo ni Dominic: Maglabas kayo ng resibo

February 21, 2024 Vinia Vivar 137 views

Sinagot na ng batikang manunulat/TV and radio host na si Cristy Fermin ang akusasyon ni Dominic Roque at ng mga abogado nito.

Matatandaang naglabas ng official statement si Dom sa pamamagitan ng kanyang lawyers mula sa Fernandez & Singson Law Offices at nakasaad dito na kinokondena nila ang ‘malicious and defamatory statements’ ni Nay Cristy sa vlogs nito.

Nakasaad sa statement na isa umano sa malicious innuendos ni Nay Cristy ay may politikong benefactor si Dominic na siyang nagmamay-ari ng tinitirhan nitong condo unit at dito na nga lumabas ang pangalan ni Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos.

Ayon pa sa official statement, sinabi rin daw ni Nay Cristy na isa si Cong. Bong Suntay sa pinaghihinalaang benefactors ni Dominic.

Sa programang Cristy Ferminute ngayong araw ay mariing pinabulaanan ni Nay Cristy ang akusasyon o reklamo ng kampo ni Dominic.

Nilinaw niya na wala siyang anumang sinabi na si Mayor Bullet ang may-ari ng condo unit na tinitirhan ni Dom. Ang sinabi niya ay politiko lang at patanong pa. Never daw siyang nagbanggit ng pangalan.

“Puro katanungan po iyon, wala pong banggit ng anuman at napatunayan ko po na ang condo unit na iyon ay nakalagay sa pangalan ng isang politiko, walang banggit ng pangalan at puro katanungan po iyon,” pahayag ni Nay Cristy.

Kaya nga raw marami na ring nadamay na iba pang politiko ay dahil hinulaan ng iba kung sino ito dahil wala siyang binanggit na pangalan.

Hinamon ni Nay Cristy ang mga abogado ni Dominic na maglabas ng resibo na nagpapatunay na binanggit niya ang pangalan ni Mayor Bullet.

“Wala po akong binanggit na pangalan ni Mayor Bullet Jalosjos. Wala po akong sinabi na siya ay benefactor ni Dominic Roque. Maging kay Ginoong Bong Suntay, hindi ko rin po ginamit ‘yung salitang ‘benefactor.’ Ibang vloggers po ang nagkabit ng salitang ‘yan sa kanilang dalawa at sa iba pang politiko na nadawit ang pangalan dito,” mariing sabi ni Nay Cristy.

Kahit pa nga initials ni Mayor Bullet o kahit clue pa ay wala raw siyang sinabi.

“Maglabas po kayo ng resibo. Paninindigan ko ‘yan kapag meron. Pero kapag wala, ano naman po ang mangyayari? Ako’y idiniin ninyo nang walang kasalanan,” pahayag pa ni Nay Cristy.

Kinuwestiyon din ng batikang writer kung bakit siya lang ang kaisa-isang idiniin ng mga abogado ni Dom na pinanggalingan ng issue.

“Tinalakay po ng halos lahat ng mga media people, hindi lamang po sa pahayagan, ang buong social media. Kami po dito sa Cristy Ferminute at sa SNN (Showbiz Now Na), lahat po kami ay tumalakay dito, sumalat sa isyu. Nagtataka rin po ako kung bakit ang sinentrohan lamang ni Dominic Roque at ng kanyang mga abogado ay ang inyong lingkod,” saad ni Nay Cristy.

AUTHOR PROFILE