Baril

Ginang tinadtad ng bala sa ulo, mukha

April 4, 2024 Jonjon Reyes 65 views

MALAKI ang hinalang “hit man” ang pumatay sa isang 40-anyos na ginang makaraang pagbabarilin sa mukha at sa ulo ng hindi pa nakikilalang mga suspek Miyerkules ng gabi sa Laong Laan, Tondo, Manila.

Nakilala sa pangalang “Rosette” ang biktima na may kalive-in at residente ng Barangay 155, Zone 14, Tondo.

Samantala, dalawa sa salarin ang responsable sa pagpatay sa ginang. Ang isa sa kanila ay may taas na 5’4” hanggang 5’6” at nakasuot ng itim na jacket, black short pants at tsinelas.

Ang isa pa ay nasa 5’5” hanggang 5’7” ang taas at nakasuot ng kulay gray na jacket, itim na short pants at puting T-shirt na may pulang lining.

Base sa isinumiteng ulat ni Det. Bryan Silvan at Det. Boy Niño Baladjay kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bandang 7:45 ng gabi nang barilin ang ginang habang nagbabantay sa loob ng kanyang sari-sari store.

Nagawa pa umanong magtatakbo papalayo hanggang sa kusina pero sinundan ito ng mga salarin at pinagbabaril sa ulo at sa mukha, kahit naroroon umano ang kinakasama nito para maghanda ng hapunan.

Bago lubayan ang biktima, may mga tama na ito sa mukha at sa ulo.

Magka-angkas sa isang motorsiklong kulay pula na Yamaha Mio ang dalawang suspek.

Gayunman, mabilis na isinugod ang ginang sa Tondo Medical Center subalit dakong 8:15 ng gabi ay idineklara itong dead on arrival ng attending physicians.

Dahil dito, nagtungo sa pagamutan si Police Captain Rex Manlangsing ng Forensic Expert ng MPD kasama ang iba pang mga operatiba.

Narekober ang 14 na basyo ng bala, tatlong metallic fragments at apat na bala na hindi pumutok.

Ang labi ng biktima ay inilagak sa Homes Funeral Parlor.

AUTHOR PROFILE