Risa

Sen. Risa beast mode sa ‘palit ulo’ scam sa ospital

April 4, 2024 PS Jun M. Sarmiento 152 views

UMINIT ang ulo ni Sen. Risa Hontiveros sa nabunyag na “palit ulo” sa ilang ospital kung saan papayagan lamang mailabas ang isang patay na pasyente na walang pambayad na kung may maiiwan na taong handang maging kapalit hanggat mabayaran ang utang ng pamilyang namatayan.

Ayon sa senador, magbibigay ng karagdagan parusa sa mga ospital sa sinasabing detensyon ng mga kaanak para lamang mailabas at mailibing ang kanilang mga namatay na pasyente na hindi nakabayad ng bills.

Kamakailan, nangyari na naman ang palit ulo scam sa Valenzuela City hospital.

“Doble-dobleng pasakit ito sa mga pamilya ng mga pasyente. Nawalan na nga ng mahal sa buhay, lubog pa sa gastusin, tapos hindi pa papayagang makauwi mula sa ospital? Sobrang abuso naman ‘yang ‘palit-ulo scam’ na ‘yan!”ani Hontiveros.

Iginiit ni Hontiveros na dapat magdagdag ng parusa sa may ari ng ospital gayundin ng mga empleyado na nagsasagawa ng palit ulo scam.

Sa kasalukuyan batas, makukulong ang sinuman na lalabag ng anim na buwang at magbabayad ng P20,000 hanggang P50,000.

Dinagdag pa rin sa panukala ni Hontiveros na bibigyan ng karapatan ang Department of Health na i-revoke ang health facility’s license to operate kung mapapatunayan na involve sa palit ulo scam.

Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay karapatan sa pasyente na gamitin ang guarantee letters mula sa Social Security System, Government Service Insurance System o sa Philippine Health Insurance Corp. na siyang magagamit ng sinumang pasyente.

Sa bagong panukala, kailangan lamang magpakita ng guarantee letter mula sa Department of Social Welfare and Development ang sinumang pasyente na walang pambayad.

“Pagaanin naman natin ang buhay ng ating mga kababayan. Huwag na nating hayaan na madagdagan pa ang kanilang mga pasanin. Kaya sana maipasa na sa lalong madaling panahon itong pagpapalakas sa anti-hospital detention law,” ani Hontiveros.