Default Thumbnail

‘Fuel Marking ‘ mabisang sandata ng BoC, BIR

July 13, 2022 Vic Reyes 726 views

Vic ReyesMABISA talagang sandata ang “fuel marking program” ng gobyerno para lumaki ang revenue collection ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa ilalim ng programang ito ay madaling malaman kung bayad ng tamang buwis ang mga imported na gasolina, krudo at gas na ipinagbibili sa lokal na merkado.

Madali nang mabibisto ang mga “erring” na negosyante kapag walang marka ang mga ipinagbibiling produktong petrolyo sa lokal na merkado sa buong Pilipinas.

Tinuturukan ng BOC at BIR ng isang kemikal ang mga produktong petrolyo para masigurong bayad ito ng taxes at duties.

Lahat ng mga itinitindang gasolina, diesel at kerosene na walang marka ay kinukumpiska ng gobyerno at kinakasuhan ang mga may-ari nito.

Noon ngang unang anim na buwan ng taon ay siyam na bilyong litro ng produktong petrolyo ang namarkahan ng BOC at BIR, ang dalawang pinaka-malaking kolektor ng buwis sa bansa.

Kaugnay nito nakakolekta ang gobyerno ng tumataginting na P118 bilyong duties and taxes. Nakakumpiska rin sila ng mga produktong petrolyo na walang marka at dalawang gasoline trucks.

Ayon sa rekord, mula September 2019 hanggang June 2022 ay nakamarka na ang gobyerno ng 43.65 bilyong litro ng produktong petrolyo na binayaran ng P432.3 bilyong duties and taxes.

Kahit sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay tuloy-tuloy ang “fuel marking program” ng gobyerno para masawata ang ismagling ng mga produktong petrolyo.

Malaki ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa fuel smuggling.

At mula noong 2019, kung kailan nagsimula ang programa, ay lumaki na nga ang duties at taxes na nakokolekta ng gobyerno.

Malamang sa hindi na natakot ang mga ismagler dahil madaling mabisto ang mga produktong petrolyo na itinitinda sa mga gasoline station na hindi binayaran ng buwis.

Kaya nga dapat regular na mag-conduct ng inspeksyon ang mga otoridad sa mga kinalalagyan ng mga gasolina, krudo at gas.

***

Tuloy na ang pag-arangkada ng sumadsad nating ekonomiya.

Mabuti naman dahil kailangan na nating mabigyan ng trabaho ang taumbayan, mapag-aral ang mga bata, mapagamot ang mga maysakit, at mapakain ang mga nagugutom.

Kung hindi lubusang mabubuksan ang ekonomiya ay mahihirapan ang gobyerno na paangatin ang kalidad ng pamumuhay ng mga mahihirap na bumubuo sa majority ng populasyon.

Kaya nga dapat lang natin siguruhin natin na hindi na muling tumaas ang kaso ng COVID 19 malat pa sa buong bansa.

Kahit ayaw ng gobyerno na magpatupad muli ng lockdown ay baka mapilitan din itong gawin kung hindi natin mapipigilan ang paglala ng health crisis.

Anong gagawin natin kung mapupuno na naman ng COVID-19 patients ang mga ospital?

Hindi naman puwedeng pabayaan na lang nating nasa labas ng ospital ang mga naghihingalong pasyente na hindi kayang tanggapin ng mga punong-punong ospital.

Buksan natin ang ekonomiya pero siguraduhin naman natin na masusunod ang mga health at safety protocols na ipinapairal ng gobyerno nasyonal.

Tandaan natin, buhay at kabuhayan ang nakasalalay sa labang ito.

Hindi ba, Pangulong Bongbong Marcos?

(Para sa inyong komento at suhestyon, tumawag o mag-text sa #09178624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE