Default Thumbnail

Fruit vendor binistay ng bala sa Sta. Cruz

October 6, 2022 Jonjon Reyes 245 views

ISANG fruit vendor ang nasawi matapos na walang habas na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang salarin, Linggo ng umaga, Oktubre 2, 2022, sa sa Oroquieta Street, Sta. Cruz, Maynila.

Nakilala lamang sa alyas “Ponyong” ang biktima, nasa hustong gulang, vendor ng pinya at residente sa nabanggit na lugar.

Tuluyang pumanaw ang biktima nitong Huwebes ng madaling araw sa Jose Reyes Memorial Medical Center habang inoobserbahan.

Batay sa unang report na nakarating kay Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, station commander ng Manila Police District (MPD) Sta. Cruz Police Station 3, naganap ang insidente malapit sa bahay ng biktima, bandang 6:00 ng umaga nitong nakaraang araw ng Linggo.

Base sa imbestigasyon, naglilinis noon ang biktima ng kanyang kariton nang dumating ang suspek.

Ayon sa report ng pulisya, ibig umanong gumamit ng gripo ng gunman para maghilamos.

Nairita diumano ang suspek at pinagsabihan ang suspek na magpaalam muna sa may-ari, na nauwi sa pagtatalo nilang dalawa.

Dito na umano bumunot ng baril ang suspek saka nito pinaputukan ang biktima, saka mabilis na umeskapo ito patungong sa Lope De Vega St.

Mabilis namang naisugod sa nasabing pagamutan ang biktima.

Ni-review na ng pulisya ang kuha sa CCTV (closed-circuit television) camera ng barangay at nasapul ang nangyaring insidente.

Ang suspek ay nakasuot ng puting t-shirt at may bitbit na itim na sling bag, at may nakabalot na puting towel sa ulo nito.

Dahil dito, iniutos na ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon ang manhunt operation sa gunman, habang patuloy na nangangalap ng testigo sa ikalulutas ng kaso.

AUTHOR PROFILE