PNP Ang PNP Top Brass matapos tanggapin sa isang seremonya sa Camp Crame ang bultu-bultong kaban ng bigas at delatang donasyon ng FICWSI para sa biktima ng bagyong Odette. Nasa kabilang larawan si FICWSI President James Kumar.

FICWSI tumulong sa mga biktima ni Bagyong Odette

December 27, 2021 Marlon Purification 1074 views

Marlon PurificationSA gitna ng lungkot at pighati na dinaranas ng mga kababayan nating biktima ng bagyong Odette ngayong Kapaskuhan, mayroon pa ring nag-iiwan sa kanila ng matatamis na ngiti.

Ito’y dahil na rin sa may mga kababayan tayong tumutulong at nagbibigay sa kanila ng pag-asa.

Unang ibigay natin sa pamahalaan at mga pulitiko ang pasasalamat dahil sa mabilis nilang pagtugon para tulungan ang mga kababayang biktima ng mapaminsalang bagyo.

Hindi man ito sapat, kahit papano ay nakaresponde agad sila para magbigay ng paunang ayuda.

Bukod pa riyan, sinsero man sila o hindi ay malaking bagay na rin ito para maibsan kahit papano ang dinaranas na hirap ng may 181,500 pamilya mula sa 2,209 barangays na pininsala ni Odette mula sa Mimaropa, Western Visayas, Eastern VIsayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga at kahit sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Tinatayang aabot sa 107,816 pamilya o 427,903 individuals ang nagdiwang ng Pasko sa may 2,861 na hanggang sa mga oras na ito ay hindi pa rin nabibigyan ng tamang supply ng tubig, kuryente, komunikasyon at siyempre hindi pa nakababalik sa mga nawasak nilang tahanan.

Isipin nating habang nagsasaya ngayong Pasko ang iba dahil matapos ang kulang isang taon na pagkakalugmok hinggil sa mahigpit na protocol likha ng pandemya ay marami tayong mga kababayan ang hindi alam kung paano pa makababangon muli sanhi ng bagyo.

Pero tulad ng sinabi ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., likas na sa Pilipino ang maging matatag at hindi nawawalan ng pag-asa kailanman.

Anuman ang pagsubok na sumalubong sa atin, nananatiling matatag ang ating pananalig sa Diyos at pipilitin nating makabangon muli!

Dahil dito, nais nating saluduhan ang lahat ng volunteers, social workers, medical frontliners, sundalo, pulis at mga tao sa pamahalaan.

Sobrang thank you rin sa lahat ng mga donors, mga malalaking pribadong kompanya, organisasyon at mga individual.

Nais ko ring saluduhan at pasalamatan ang Filipino Indian Commerce & Welfare Society Inc. (FICWSI) sa pamumuno ni James Kumar na kahit kailan ay hindi nagdamot para magbigay ng tulong sa mga kababayan nating nabibiktima ng anumang uri ng trahedya.

Sa pamamagitan ni FICWSI Communications Director Wowie de Leon, ang grupo ni Kumar ay namahagi ng mga kaban ng bigas at canned goods sa Philippine National Police sa Camp Crame bilang donasyon sa mga biktima ni Odette.

Ang relief operations ay inilunsad mismo ng PNP sa pangunguna nina Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, Lt. Gen. Israek Dickson, Maj. Gen. Rhodel Sermonia, Maj. Gen. Bartolome Bustamante, Maj. Gen. Eric Noble at DILG Usec Martin Dino.

Matagal na nating isinusulat ang pagkakawanggawa ng grupo ni Kumar.

Tulad ng mga naunang sinabi ko, hanggat hindi sila nagsasawang tumulong sa ating kababayan, hinding-hindi rin po ako magsasawang isulat ang mga kabutihan nilang ginagawa.

Mula noon hanggang ngayon, kaisa po ako ng FICWSI sa magandang layunin nila para tumulong sa mga nangangailangan.

Muli, thank you sa lahat ng mga tumutulong para sa mga biktima at bagyong Odette at maraming salamat din sa FICWSI ng ating Kuya James Kumar.

Pasasaan ba’t makararaos ding tayong muli hindi lamang sa inaasam na new normal, kundi para sa tamang salita na better normal!