Default Thumbnail

Estudyante tumalon sa condo, dedo

August 27, 2023 Jonjon Reyes 475 views

BASAG ang bungo at lasog ang katawan ng isang 26-anyos na estudyante makaraang tumalon mula sa balcony ng isang condominium sa Taft Avenue sa Malate, Manila, Linggo ng madaling araw.

Nagawa pang sumaklolo ng mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, subalit walang senyales na maaaring mabuhay pa ang biktima na taga-Barangay 725 sa Malate.

Ayon sa nakasaksi, habang nasa loob ng kaniyang unit ay bigla siyang nakarinig ng malakas na kalabog na tila nagmula sa balkonahe. Nang kanyang suriin ito, dito na niya natuklasan ang nakahandusay na katawan ng biktima kaya’t agad niyang itinawag sa telepono at iniulat ang insidente sa mga security guard ng nasabing gusali.

Base sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 5:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.

Nakita ang estudyante na nakahandusay, basag ang bungo at lasog ang katawan.

Ayon sa report, sobrang depresyon ang inabot ng biktima pero hindi sinabi kung ano ang dahilan nito.

Ang bangkay ng estudyante ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE