Robber

Holdapan sa Taguig viral sa TikTok; 3 suspek huli

August 27, 2023 Edd Reyes 452 views

NAGBUNGA ang magdamag na pagpapanggap ng mga pulis bilang mga sibilyang pasahero sa lugar kung saan madalas magkaroon ng panghoholdap, makaraang madakip ang tatlong suspek sa Taguig City.

Isinagawa ng mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station 3 at 2 ang magdamagang operasyon nang mag-viral sa social media na TikTok ang panawagan ng lalaking madalas makasaksi sa nagaganap na panghoholdap at paggamit ng ilegal na droga sa kahabaan ng C-5 Waterfan sa Taguig.

Sa naturang video, idinetalye ng lalaki ang aniya ay kawalan ng aksiyon ng pulisya at barangay kahit talamak ang nangyayaring holdapan sa naturang lugar.

Nagpapanggap umanong pasahero na nag-aabang ng masasakyan ang mga holdaper at kapag nakatiyempo na ng mabibiktima ay kanila na itong hinoholdap.

Dahil sa viral video, inatasan ni Southern Police District Director P/BGen. Roderick Mariano si Taguig police chief P/Col. Robert Baesa na aksiyunan ang reklamo. Bunsod nito ay nadakip ang mga suspek na sina Jeaford Dela Torre, 28; Jhon Paul Dagpin, 20; at Raffy Mirafuentes, 23, matapos gayahin ng mga pulis ang kanilang pagpapanggap bilang pasahero mula Huwebes hanggang Biyernes ng hatinggabi ng Agosto 25.

Ayon kay Baesa, nakuhanan ng kaniyang mga tauhan ng tig-isang plastic sachet na naglalaman ng shabu ang mga suspek nang madakip sa kahabaan ng C-5 Road.

Habang nakapiit sa custodial facility ng Taguig Police Station, lumutang ang isa sa mga nabiktima ng tatlo at positibo silang itinuro na nangholdap sa kaniya nang bumaba siya ng bus sa C-5 Waterfan sa naturang lungsod.

https://www.facebook.com/taguigdotcom/videos/839226401141140

AUTHOR PROFILE