Default Thumbnail

Estero ranger natagpuang nakalutang sa ilog

May 7, 2024 Melnie Ragasa-limena 73 views

NATAGPUAN ang nakalutang na bangkay ng estero ranger ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ilog sa boundary ng San Mateo, Rizal at Quezon City noong Martes.

Residente ng 31 Kalayaan B, 2nd St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City ang biktima na si Randy Serrano Figueroa, 58, estero ranger ng DENR.

Sa report ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-8:20 ng umaga ng matagpuan ang biktima sa San Mateo river malapit sa boundary ng Rizal at Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Bryan Dave Garcia, nakatanggap sila ng tawag mula sa hotline 122 tungkol sa bangkay ng lalaki na nakalutang sa ilog.

Nang maiahon ang biktima, isinugod pa ito sa Maclang Hospital pero idineklarang patay na ng attending physician na si Dr. John Gregory Buño.

Ang hinala ng pulisya nalunod ang biktima.