Default Thumbnail

Dulot ng hog cholera, ASF

June 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 200 views

99.22% populasyon ng baboy sa San Enrique, patay

UMABOT na sa 99.22% ng populasyon ng baboy sa San Enrique, Negros Occidental ang namatay dahil sa iba’t-ibang sakit tulad ng hog cholera at African Swine Fever o ASF virus.

Batay sa ulat ng Provincial Veterinary Office o PVO, nasa 2,671 mula sa 2,692 baboy mula sa 508 hog raisers sa sampung barangay ng San Enrique ang nasawi dahil sa iba’t-ibang karamdaman at 21 lamang ang natira.

Apektado ng hog deaths ang 126 barangay mula sa 16 na local government units (LGUs) sa probinsya kung saan 12,139 baboy o 9.26% ng populasyon ang namatay.

Iniulat din ng PVO na 2,294 hog raisers ang apektado ng insidente na nagresulta sa P136,311,800 na pagkalugi.

Upang maiwasan naman ang pagkalat ng hog cholera sa ibang lugar, iminungkahi ng mga hog raisers sa Barangay Binucuil, Kabankalan City na sila na mismo ang maglibing sa mga alagang baboy na namatay.

Sinabi ni Ricky Moscosa, city agriculturist na sa naturang barangay, 100 baboy ang namatay kasama ang 90 baboy na inilibing ng buhay.

Iniutos na rin ng City Agriculture Office ang pagpapatupad ng “lockdown” sa Bgy. Binicuil, Hilamonan, at Daan Banwa upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.