Lulu

Direk Sigrid, kinilig sa tambalang Rhen at Rita

December 6, 2021 Ian F. Fariñas 224 views

MAGING ang box-office at multi-awarded lady director na si Sigrid Andrea Bernardo ay umaming kinilig sa tambalang Rhen Escaño at Rita Martinez sa girl love series na Lulu na mapapanood sa Vivamax tuwing Biyernes simula January 7, 2022.

Sa virtual media conference para sa GL series kahapon, puring-puri ni Direk Sigrid ang dalawang bida dahil bukod sa pagiging professional, eh, napakalakas daw ng chemistry onscreen.

’Yun naman daw ang goal ng lady director mula nang i-conceptualize at sulatin niya ang istorya ng Lulu hanggang sa kunan na nga ito sa lock-in taping.

“Gusto kong makapag-launch ng lesbian loveteam. Gusto kong maging fan din ako ng loveteam na ito,” tukoy pa niya kina Rhen at Rita.

Hindi magkakilala ang Lulu lead stars bago simulan ang serye. Pero bumilib si Direk Sigrid sa kanila dahil lagi raw nag-uusap sa set sina Rhen at Rita kaya mas lalo pang lumakas ang chemistry ng mga ito pagharap sa kamera.

Gaya ng regular viewers, gusto rin ng direktora na mangiti mag-enjoy at tayuan ng balahibo kapag pinanood na ang Lulu.

At hindi naman siya nabigo dahil maging ang press na nanood ng teaser ng series, eh, nag-agree sa lakas ng chemistry ng mga bida.

Si Rita, na The Voice Philippines season 2 semifinalist, ay isang LGBTQIA+ advocate sa totoong buhay.

Kaya naman swak na swak siya sa papel bilang si Abi, isang treinta-anyos na soft butch, talented cook at gitarista ng isang indie band.

Poging Korean Oppa nga ang peg nito sa series na makikilala at matututunang mahalin ni Sophie (Rhen), may-ari ng isang AirBnB.

For a change, rom-com ang banat ni Rhen sa Lulu, kaiba sa mga nauna niyang proyekto sa Viva tulad ng Adan, The Other Wife at Paraluman.

Hindi nga raw akalain ni Direk Sigrid na carry ni Rhen na magpatawa.

Katwiran ng direktora, “I wanted Lulu to be light. I want to focus doon sa individual struggles nila and love is secondary. And it will come naturally. Of course, we will tackle ’yung issues pero very, very subtle. It’s more of parang everyday life ng lesbian community. Masayahin din sila (lesbian women).”

Para kay Rhen, wala raw siyang nakikitang masama sa lesbian relationships dahil naniniwala siya na “love knows no gender.”

Siyempre, flattered ang baguhang si Rita na siya ang napili ni Direk Sigrid at sa kanya nga ipinagkatiwala ang pagganap sa karakter ni Abi.

Kwento ng dalawa, naging magaan ang kanilang pagtatrabaho.

Hindi raw nila plinano ang kahit na anong atake sa mga eksena nila para mas mag-work ang mga ito at ganu’n nga ang nangyari.

Sobrang saya raw si Rhen na maging siya, nang panoorin ang kanilang scenes together ni Rita, eh, naramdaman ang lakas ng chemistry nila sa screen.

AUTHOR PROFILE