Xian

Direk Fifth, tatlong araw nagkulong at iniyakan ang pagsemplang ng SMMFF entry

April 13, 2023 Ian F. Fariñas 302 views

NAGING vocal si Fifth Solomon, direktor ng isa sa walong entries sa ongoing Summer Metro Manila Film Festival, na na-depress siya sa pagiging mahina ng pelikula sa takilya.

Sa mediacon kahapon ng bago niyang proyekto na Sa Muli, ang first team-up nina Xian Lim at Ryza Cenon under Viva Films, inamin ng direktor na tatlong araw niyang iniyakan ang masaklap na kapalaran ng Single Bells.

“Na-depress din ako. Parang three days akong umiiyak sa bahay. Sorry, honest talaga ako, galing akong PBB. I’m very honest. Nalungkot ako talaga. Kasi, siyempre, ‘pag gumagawa ka ng pelikula, pinaghihirapan mo ‘yan, sinusulat ko ‘yan, eh. So gusto ko panoorin ng tao. And nalungkot ako kasi ‘di siya masyadong napanood.

“Mahina talaga siya and ayun, may mga times na umiiyak talaga ako and tinetext ko ‘yung mga producer ko, ‘yung mga actor ko, ganyan,” sey ni Direk Fifth.

Tingin niya, wala naman daw kulang o nagkulang kaya ito sumemplang sa box office.

Paliwanag niya, “Tingin ko, nagkaroon lang ng pagkakaiba ng behavior ‘yung mga tao. Kasi lahat ng tao ngayon, after pandemic, nag-shift na to digital streaming, nag-revenge travel, ayaw na nila mag-stay sa bahay, ayaw na nila pumunta sa mall. Gusto na nila mag-travel, mag-beach, ganu’n. Kasi nga, ang tagal nating nakulong. Nag-iba ‘yung behaviior natin. Parang ngayon, imbes na ‘yung mga tao pumunta sa sinehan, pumila, kumain, mag-park, mag-travel, mas gusto na nila sa bahay manood and sa mga streaming platform na. Mag-Netflix na lang sila.”

Malaking factor din, aniya, ang sobrang mahal ng presyo ng ticket sa mga sinehan.

“Kasi ngayon ang mahal na ng mga bilihin, ang mahal na ng sibuyas, tapos manonood ka ng pelikula… Nanood nga ako nu’ng (Summer) MMFF, ‘yung Here Comes the Groom, nagulat ako kasi tatlo kami tapos P1,200 agad! Siyempre ‘pag bibili ka, hindi mo na tatanungin magkano, ‘di ba? Nu’ng siningil ako, du’n na lang ako nagulat. So sabi ko, ‘kakain pa ba tayo after this?’ So ‘yon, factor din ‘yon na mahal.”

Sana, dugtong niya, matulungan ng mga politiko ang industriya na pababain ang presyo ng ticket sa mga sinehan.

Actually, nagsimula ang depression ni Direk Fifth noong Covid-19 pandemic dahil sa patung-patong na dahilan.

“Ang dami kong pelikula na nag-stop muna dahil nga lockdown tapos mag-isa lang ako sa condo. Tapos na-brokenhearted din ako nu’n. So parang nagpatung-patong. Ayun, nagkaroon ako ng overthinking anxiety,” anang direktor.

That time, hindi pa raw niya nasisimulan ang Sa Muli na ang lock-in shooting ay ginawa sa Quezon.

Matindi rin ang pinagdaanan ng proyekto dahil isa itong romance drama tungkol sa fate at reincarnation.

Tatakbo ang love story ng mag-soulmates na sina Elly at Pepe (Ryza at Xian, respectively), sa tatlong periods: Mula 1900 at 1950 hanggang sa present.

Pero gaya ng sabi ni Xian, talagang inilaban ito ni Direk Fifth. Hindi ito sumuko hanggang hindi nila natatapos ang proyekto.

“Medyo mahirap bumangon ‘pag may depression kasi hindi mo alam kung magiging okay ka tapos lalo na ngayon huminto na ako sa paggagamot.

“So, ‘yung katawan ko, nag-a-adjust pa, parang hinahanap ko ‘yung gamot pero kailangan kong labanan kasi nawala ako, nawala ko talaga.

Para akong zombie. Hindi ako pwedeng sumaya, hindi ako pwedeng malungkot, tulala na lang ako. So, parang hindi na ako. Tapos wala na akong sexlife, kawawa naman ‘yung dyowa ko,” casual na banggit pa ni Direk Fifth.

Sa ngayon, nasa healing stage pa rin ang direktor.

Aniya, “Hindi pa ako completely okay. Tumigil ako sa gamot. I’m trying na labanan siya nang natural way. Lumalabas ako, ganyan. Nagpapa-psychiatrist ako, ganyan, and hopefully, magtuluy-tuloy kasi ang hirap ng hindi makapagsulat.”

Anyway, kasama rin nina Xian at Ryza sa cast ng Sa Muli sina Candy Pangilinan, Josef Elizalde, Benj Manalo, Marissa Sanchez, Andrew Muhlach, Ali Khatibi, Jiad Arroyo, Carlyn Ocampo, Andrea Babiera at marami pang iba.

Mapapanood na ito sa mga sinehan nationwide simula April 26 mula sa Viva Films.

AUTHOR PROFILE