Default Thumbnail

DILG kinondena pamamaril sa Pikit

February 16, 2023 Jun I. Legaspi 239 views

KINOKONDENA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang “walang saysay” na pamamaril sa Pikit, Cotabato Miyerkules, Pebrero 14, 2023, na bumiktima sa mga inosenteng mag-aaral ng Pikit National High School.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang kagawaran kay National Security Adviser Eduardo M. Año at Department of National Defense (DND) Secretary Carlito Galvez, Jr. upang tukuyin at masukol ang mga suspek sa likod ng nasabing pamamaslang.

“Hindi tayo titigil hanggang hindi nagkakaroon ng hustisya ang mga naging biktima at kanilang mga pamilya. Walang puwang ang mga mamamatay-tao sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. lalo na ang kumikitil ng buhay ng mga bata,” pahayag ni DILG secretary Benhur Abalos Jr.

Dagdag pa niya, “Inatasan ko din si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na pangunahan ang imbestigasyon sa naganap na pamamaril katuwang ang ating mga kasama sa DILG at PNP regional offices. Our resolve on these heinous crimes will not dwindle as we continue to fulfill our mandate to protect the Filipinos.”

“Sa ngalan ng lahat ng mga kawani ng DILG at mga attached agencies nito, buong puso po kaming nakikiramay sa mga nabiktima ng walang habas na pamamaril na ito na patuloy na nagdudulot ng pagkatakot at pagkabalisa sa mga mamamayan ng Pikit, Cotabato,” ani Abalos.

“Asahan n’yo pong kami ay makakasama ninyo sa tuluyang pagresolba sa krimeng ito kalakip ang aming pagsusumikap tungo sa pagpapaigting ng kapayapaan sa Mindanao,” pagtatapos ng kalihim.

AUTHOR PROFILE