Default Thumbnail

DENR dapat silipin quarry operations

May 30, 2022 Erwin Tulfo 562 views

TulfoHINDI pa huli para sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para silipin ang quarry operations sa bansa at ipasara kapag ito ay direktang nakakaapekto sa kalikasan at naglalagay peligro sa buhay ng mga tao.

Isinisisi kasi ng ilan ang mga pagbaha at landslide sa maraming parte ng bansa dahil sa mga nagkakalbuhang mga bundok dala na pagka-quarry.

Isang halimbawa dito ay itong quarrying ng mga bundok dyan sa lalawigan ng Rizal dahilan para makalbo na ang mga bundok na nagiging dahilan tuloy ng pagbaha at rumaragasang tubig sa Tumana River sa Marikina at Quezon City na galing sa Rizal.

Maging ang isang conservation group ay nananawagan sa pamahalaan na hindi lamang suspensyon ng permit kundi kanselahin na ng tuluyan ang permit na inisyu ng lokal na pamahalaan sa tatlong quarry companies.

Ipinatitigil din nila ang operasyon ng mga quarry sites sa lugar dahil sa kaliwa’t-kanang banta sa mga buhay ng mga forest rangers doon at nalalagay ang mga buhay nito sa alanganin.

Hindi lang sa Rizal ang may ganitong problema kundi sa maraming pang lugar sa bansa.

Dahil sa mga quarry, nakakalbo na ang mga bundok natin. Entonces, kapag umulan, tuloy-tuloy na ang tubig galing sa bundok sa mga bayan-bayan sa ibaba.

At dahil kalbo na ang mga bundok, landslide naman ang problema kapag tuloy-tuloy ang pag ulan. Wala na kasing makapitan na mga ugat ng kahoy ang lupa ayon sa mga eksperto.

Natitiyak ko na alam naman ng mga local chief executive ang mga masamang epekto ng quarrying pero patuloy itong nagbubulag-bulagan.

Hindi mo tuloy masisi ang mga tao kung makapag-isip na baka may lagay si mayor o si gob sa quarry company para payagan silang mag-operate kahit may dala itong panganib sa kapaaligiran at sa tao.

Kaya panahon na talaga na makialam na ang DENR sa pag isyu ng mga permit to quarry at sa operasyon ng daan-daang quarry sites sa bansa.

Wala na kasing kontrol ang pagbibigay ng permit ng mga lokal na opisyal sa mga kumpanya para mag-quarry basta’t kumita lang daw ang munisipyo o ang lalawigan.

AUTHOR PROFILE