Default Thumbnail

Death toll sa lumubog na fishing boat, 3 na

June 24, 2023 Zaida I. Delos Reyes 295 views

UMAKYAT na sa tatlo ang bilang ng mga nasasawi sa lumubog na fishing boat sa Davao Oriental.

Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), natagpuan ng kanilang search and rescue operation team nitong Biyernes ang ikatlong bangkay na isa sa mga nawawalang crew ng FB Genesis 2.

Sa ngayon, nasa anim na crew na lamang ang nawawala at pinaghahanap ng mga awtoridad.

Kabilang sa mga nawawala ang kapitan ng barko.

Sa datos ng PCG, 14 sa 23 crew members ng fishing boat ang nailigtas.

Matatandaang dakong 1:00 ng madaling araw nitong Huwebes ay lumubog ang fishing boat sa katubigan sakop ng Baganga, Davao Oriental.

Unang hinampas ng malalakas na alon ang barko dahilan upang masira ito at pasukin ng tubig na kalauanan ay naging dahilan ng paglubog nito.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng mga awtoridad sa mga nawawala pang crew ng fishing boat.