Posas

PERA O UPLOAD KO SEX VIDEO?

June 24, 2023 Zaida I. Delos Reyes 476 views

KALABOSO ang isang mister matapos na ireklamo ng robbery extortion at paglabag sa cybercrime law ng kaniyang dating girlfriend na umano’y hinihingan niya ng pera upang hindi i-upload sa social media ang kanilang sex video sa Pila, Laguna.

Ang suspek na naaresto sa entrapment operation nitong Biyernes ay nakilalang si Florenz Flores, nasa hustong gulang at residente ng lugar.

Batay sa ulat ng Calabarzon police, ang operasyon ay isinagawa dakong alas-2 ng hapon sa tagiliran ng San Antonio de Padua Parish Church na matatagpuan sa Barangay Buliran Sur, Pila, Laguna.

Ang suspek ay dinakip dahil sa reklamo ng biktimang itinago sa pangalang Rose Ann na umano’y kinokotongan ng suspek at tinatakot na ipakakalat sa social media ang kanilang sex video kapag hind ito nagbigay ng pera sa kaniya.

Napag-alaman na naalarma ang biktima dahil palagi siyang nakatatanggap ng text messages mula sa suspek na nagbabanta na ipakakalat ang kaniyang hubad na larawan, gayundin ang kanilang sex video sa social media, kaya’t humingi siya ng tulong sa mga pulis.

Nagkasundo umano ang dalawa na magkikita sa gilid ng simbahan para iabot ng biktima ang pera.

Agad namang ikinasa ang entrapment operation sa premises ng nasabing simbahan, kung saan habang iniaabot ng babae ang pera sa nasabing mister ay ito na ang nagsilbing hudyat upang arestuhin ito.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang P3,000 entrapment money, isang toy gun, apat na bala ng 9 MM, isang pocket knife, isang BPI ATM card na pag-aari ng biktima at isang tube pipe at isang kulay berdeng tactical bag.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10175, o ang Anti-Cybercrime Law, at robbery extortion.