Posas

DATING APP NAUWI SA SEX BANGUNGOT

January 19, 2024 Melnie Ragasa-limena 77 views

Bebot, 35, nakipag-sex sa online ‘bf’, 20, kinotongan ng P35K

NADAKIP sa isang entrapment operation ang isang 20-anyos na lalaki matapos na ireklamo ng “sextortion” ng kaniyang naging kliyente sa isang dating application sa social media.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 294 (Sextortion), Article 286 (Grave Coercion) ng Revised Penal Code at Republic Act (RA) 11313, o ang Safe Spaces Act, all in relation to Section 6 of RA 10175, o mas kilala bilang Cybercrime Prevention Act of 2012, ang suspek na residente ng Tondo, Manila.

Ayon kay Pat. Ian Godfrey Jacinto ng Quezon City Police District Anti-Cybercrime Team (QCDACT), positibong itinuro ng 35-anyos na biktima ang suspek na siyang nang blackmail sa kaniya.

Batay sa imbestigasyon, nagkakilala ang biktima at ang suspek sa isang dating app noong Disyembre 16, 2023, hanggang sa magkapalagayan ng loob at nagkasundo na magkita sa Rosas Inn sa Muñoz, Quezon City.

Lingid sa kaalaman ng biktima, nirerecord na siya ng suspek habang hubo’t hubad at doon na nagsimulang manakot at manghingi ng pera.

Dala ng takot, nagbigay ang biktima ng P35,000 sa pamamagitan ng GCash hanggang sa maulit ang panghihingi ng suspek sabay ang bantang ikakalat ang mga larawan ng biktima.

Bunsod nito, humingi ng tulong ang biktima sa pulisya at isinagawa ang entrapment operation.

Nakipagkasundo ang biktima sa suspek na muling magbibigay ng pera para tuluyan nang burahin ang mga larawan at video.

Agad na ikinasa ng QCDACT sa pangunguna ni PMaj. Eric Casabal, sa ilalim ng superbisyon ni PCol. Jay Guillermo,ang entrapment operation sa harap ng isang condominium sa Bago Bantay at naaresto ang suspek.