Jinggoy

Dagdag sahod sa Mayo 1 hiniling ni Jinggoy para sa manggagawa

April 28, 2022 People's Tonight 88 views

BUNSOD ng tuloy-tuloy na pagsirit ng presyo ng gasolina, pagkain, at mga pangunahing bilihin, nanawagan si dating senador Jinggoy Estrada sa mga regional wage boards na aprubahan na ang dagdag-sahod kasabay nang paggunita ng Labor Day sa darating na Mayo 1.

“Lumipas na ang mahigit isang buwan nang una nating ipanawagan ang dagdag sahod. Ano ba ang nagpapatagal sa pag-aaral at pag-apruba nito?” tanong ni Estrada na tumatakbong senador sa ilalim ng UniTeam Alliance.

Ayon sa beteranong mambabatas, hirap na hirap na ang mga ina nang tahanan kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na budget sa gitna nang walang-habas na pagtaas ng presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin.

“Bilang pagkilala sa sakripisyo ng mga obrerong Pinoy, karapat-dapat at napapanahon na ang pag-angat sa kanilang sahod. Ang dagdag sweldo ang pinakamagandang regalong matatanggap ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya sa darating na Araw ng Paggawa,” ani Estrada.

Sakaling palaring makabalik sa Senado, sinabi ni Estrada na kanyang ipapanukala ang pag-amyenda sa Wage Rationalization Act.

Aniya, dapat magkaroon ang pambansang pamahalaan ng kaunting kalayaan o flexibility na iangat ang basic pay ng mga manggagawa lalo na sa panahon ng matinding krisis o national emergency.

Bilang dating chairman ng Senate Labor Committee at kampeon ng karapatan ng mga manggagawa, matagal nang isinusulong ni Estrada ang dagdag sahod at benepisyo para sa mga daily wage earners.

Aniya, hindi makatarungan ang pagkakasa ng minimum wage dahil hindi naman ito nakakasabay sa pagtaas ng presyo o inflation.

AUTHOR PROFILE