BFAR

DA-BFAR pinasinayaan 1st municipal hatchery sa Itbayat

April 7, 2024 Cory Martinez 69 views

MAKAKAROON na ng sariling pagkukunan ng mga tilapia fingerling ang mga mangingisda sa Batanes matapos na pinasinayaan kamakailan ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) at ang pamahalaang lokal ng Itbayat ang kauna-nahang Municipal Tilapia Hatchery sa isang munisipalidad ng Itbayat.

Ayon ka DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., inaasahang makapagbibigay ang naturang pasilidad nang may 300 hanggang 500 libo ng piraso ng tilapia fingerlings kada taon.

Paliwanag ni Laurel na matutugunan ng naturang produksyon ang pangangailangan sa isda hindi lamang ang munisipalidad ng naturang isla kundi ng buong probinsiya. Dahil dito, magiging self-sufficient ang probinsya sa supply ng tilapia fingerlings.

Ang naturang pasilidad na itinayo sa Barangay Raele ay mayroong breeding, nursery, treatment at conditioning ponds at water system na pangunahing pangangailangan sa operation nito.

“Hindi niyo na kailangan sumakay sa malalaking alon upang makakuha lamang ng suplay ng fingerlings mula sa ibang probinsiya para lamang makapangisda dahil meron na kayong sariling tilapia hatchery,” ani Laurel sa kanyang video message sa pamahalaang lokal at sa mga mangingisda na dumalo sa pasinaya.

“Ang proyektong ito ay bahagi ng layunin ng Department of Agriculture na gawing isang option sa pamumuhunan,” dagdag pa ni Laurel.

Binigyang-diin ni Laurel na nilalayon ng proyekto na bawasan ang pagkalugi sa pagbiyahe ng mga fingerlings, palakasin ang produksyon at palakihin ang kita ng mga mangingisda.

Sa kasalukuyan, mayroong anim na asosasyon ng mga mangingisda sa probinsiya na umaasa lamang ng suplay mula sa Isabela at Cagayan.

Binibiyahe ang mga naturang suplay sa pamamagitan ng mahabang oras ng land travel at sa pamamagitan ng eroplano, na may kaakibat na gastos ng malaking halaga.

Bukod dito, naitatala ang may 30 hanggang 50 porsiyentong mortality rate sa mga fingerlings pagdating ng mga ito sa Batanes.

Itinayo ang naturang pasilidad sa natatanging lugar sa Batanes na may sariling tubig mula sa lawa na naaayon sa mga aktibidad para sa aquaculture. Inaasahang mapapanatili ang produksyon ng tilapia sa malayong hilagang bahagi ng ating bansa na ang mga komunidad ay umaasa lamang sa yamang dagat para sa kanilang kita at pagkain.

Samantala, inamin ng mga mangingisda na nakakaranas sila ng mga pagsubok sa larangan ng produksyon kahit na pangingisda ang nanatiling pangunahing pinagkukunan ng kanilang pangkabuhayan.

Kabilang sa pagsubok na kanilang nararanasan sa pangingisda ay ang sariling katangian ng heograpiya ng probinsya at ang madalas na pagbagyo.

Ayon naman sa Provincial Fishery Office ng Batanes, marami ng mga residente ang nagtatayo ng kanilang mga tangke matapos na masaksihan ang malaking posibilidad ng pag-aalaga ng tilapia sa mga tangke at ang pagbubukas ng operasyon ng hatchery.

Bukod sa pagpapasinaya ng pasilidad, nagsagawa din ang DA-BFAR ng forum at namahagi ng mga fish cage at fishing gear sa mga mangingisda ng Itbayat bilang karagdagang pangkabuhayan sa kanila.

Samantala, nagtayo naman ang DA-BFAR ng isang Provincial Fishery Satellite Office sa Barangay San Rafael upang matiyak ang tuloy-tuloy na mga aktibidad sa pangingisda at pag-promote ng mga gawaing pang-aquaculture. Sa ganitong paraan, mapapalakas ang kakayahan ng mga mangingisda habang pinapalaganap ang mapayapa at ang nagkakaisang pamamahala sa pangingisda sa kanilang lokalidad.

AUTHOR PROFILE