Kulong

Mister dinedo dahil sa maingay na misis!

April 7, 2024 Gil Aman 114 views

PATAY ang isang 34-anyos na obrero matapos saksakin ng isang tricycle drayber na lasing nang mairita dahil sa maingay na sigawan ng misis ng biktima, alas 3:34 ng madaling araw ng Abril 7 sa Purok 2, Barangay Sta. Monica, San Pablo City, Laguna.

Kinilala ni P/LT. Col. Wilhelmino Saldivar Jr., hepe ng San Pablo City police, ang biktima na nagtamo ng malalim na tama sa itaas ng dibdib.

Dahil sa malubhang tama nito, idineklarang dead on arrival ng doktor sa Pablo City Medical Center ang biktima.

Samantala, agad naaresto ang suspek na kinilalang si alyas Ian Carlo, isang 37-anyos na tricycle driver at mismong kapitbahay ng biktima.

Lasing umanong dumating sa kanyang bahay ang suspek at habang nasa loob ito ay nairita ito dahil sa maingay na sigawan ng biktima at asawa, ayon sa pulisya.

Base pa sa imbestigasyon ng pulisya, ilang sandali lamang nang pasukin ng suspek ang mag-asawa habang nasa kainitan ng kanilang pagtatalo at sinaksak ang lalaki sa dibdib.

Mahaharap ang suspek sa kasong homicide na isasampa ng pulisya. Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa San Pablo City Jail.

AUTHOR PROFILE