Clamp Tigil muna ang motorcycle clamping sa Maynila base sa utos ni Mayor Ma. Sheilah Honey Lacuna-Pangan. File photo

Clamping ng motor sa Maynila ipinatigil ni Mayor Honey

April 18, 2024 Edd Reyes 82 views

INIUTOS ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na tigil ang pagka-clamp ng mga motorsiklo dahil sa reklamo hinggil sa hindi maayos na pagpapatupad nito.

Ayon sa alkalde, nakasaad sa City Ordinance No. 8998 ang pagka-clamg sa mga motor alinsunod na rin sa napagkasunduan ng mga alkalde ng Metro Manila kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para siguruhing maging maayos ang daloy ng trapiko sa mga national roads at mabuhay lanea.

“Aking pinatigil ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa sa kadahilanan may ilang reklamo tayong natatanggap ukol sa hindi maayos na pagpapatupad nito. Kaya aking agarang inatasan ang MTPB Chief na si Director Dennis Viaje upang imbestigahan ang mga nasabing reklamo,” bahagi ng anunsyo ni Mayor Honey noong Miyerkules.

Bilang karagdagang anunsiyo, pinaalalahanan din ng alkalde na makikita lang ang lahat na ang mga pormal na anunsyo tungkol sa mga bagong polisiya ng lungsod sa Manila Public Information Office Facebook Page o sa kanyang official Facebook Page na Dra. Honey Lacuna.

Hinimok din niya ang publiko na tulungan siya at ang lokal na pamahalaan na mapaganda at maging maayos ang kanilang minamahal na Maynila.

Kaugnay nito, inatasan na rin ni Manila Barangay Bureau Director Diosdado Santiago ang lahat ng mga opisyal ng barangay sa lungsod na paalalahanan ang mga mamamayan na ilagay sa ayos ang pagparada ng kanilang sasakyan upang hindi makasagabal sa daloy ng trapiko.

AUTHOR PROFILE