Default Thumbnail

Paghuli sa e-bikes, e-trikes stop muna — PBBM

April 18, 2024 Chona Yu 92 views

E-BikesINATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Metro Manila Development Authority (MMDA)na itigil na muna ang panghuhuli sa mga electronic bicycles (e-bikes) at electeonic tricycles (e-trikes) na bumibiyahe sa ilang pangunahing kalsada.

Sa X account ni Pangulong Marcos, inatasan nito ang MMDA at lahat ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila na bigyan ng isang buwang palugit ang mga nasabing uri ng sasakyan.

Ayon sa Pangulo, kailangan muna kasing magbigay ng sapat na panahon para maipaliwanag sa publiko ang ipatutupad na pagbabawal o ban sa mga e-bikes at e-trikes.

Sa ilalim ng ipatutupad na palugit, hindi muna dapat bigyan ng ticket, pagmultahin at i-impound ng mga awtoridad ang mga e-bikes at e-trikes.

Ayon sa Pangulo, kung paparahin man ang mga ito, kailangan ay bigyan sila ng maayos na direksyon o ituro sa kanila kung ano ang mga kalsadang maaari nilang gamitin .

Dapat din aniyang paalalahan ang mga ito sa mga bagong patakarang ipatutupad upang mapangalagaan ang kanilang kaligtasan at ang kaayusan sa mga lansangan.

“Kailangan pang magbigay ng sapat na panahon para sa malawak na pagsisiwalat ng impormasyon hinggil sa ban na ating ipinapatupad,” pahayag ni Pangulong Marcos

“Batay na rin sa rekomendasyon na aking natanggap, mananatiling bawal ang mga natukoy na sasakyan sa ilalim ng MMDA Regulation No. 24-022 series of 2024 sa mga piling pangunahing lansangan,” dagdag ng Pangulo.

AUTHOR PROFILE