Chinese Ang Chinese na suspek na si Clint Xerwin Kho ng Balintawak, Quezon City matapos maaresto ng Manila Police District. Kuha ni JON-JON REYES

Chinese nat’l ‘nang-araro’, nagwala, arestado

July 22, 2022 Jonjon Reyes 642 views

ARESTADO ang isang Chinese national matapos ang mahabang habulan nito sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Huwebes ng hapon.

Dahil sa naging pasensiyoso naman ang mga kapulisan ng MPD at hindi tumigil sa paghabol sa sasakyan ng isang Chinese national, nakorner ito sa bahagi ng Delpan Bridge sa Tondo, Maynila.

Ang suspek ay nakilalang si Clint Xerwin Kho y Errol Fulleros, 34, residente ng 494 Aguilar St., Edsa, Balintawak, Quezon City.

Base sa ulat ng MPD, sangkot sa multiple collision ang suspek matapos nitong mabangga at araruhin ang ilang mga sasakyan mula sa kahabaan ng J. Luna Recto, Dagupan, Moriones, J. Abad Santos at iba pang area sa Tondo kung saan naganap ang habulan.

Bagama’t malaki na ang naging pinsala ng sasakyan ng suspek na may plakang POQ 883, nagpatuloy pa rin itong patakbuhin at bangain ang bawat makasalubong at mga nadadaanan nitong sasakyan kabilang ang mga motorsiklo.

Kung kaya’t agad na inalerto at itinawag sa mga radio ang lahat ng tauhan ng Manila District Tactical Motorized Unit (MDTMU) maging ang pamunuan ng Manila Traffic Enforcement Unit (MTEU) at mga operatiba ng SWAT MPD, para sa agarang pagaresto ng suspek.

Maagap na rumesponde ang mga operatiba sa pamumuno na rin ni MPD Police Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco.

Dahil sa hindi na mapigilan ang sasakyan ng suspek, binaril na lamang ang gulong nito hanggang sa ito ay maharang at abutan sa ibabaw ng tulay ng Delpan kung saan hindi na ito nakapalag pa.

Dinala ito sa Gat. Andres Medical Hospital para sa AB alcoholic test at medical examination bago ito i-turn over sa MDTMU para sa kaukulang imbestigasyon.

Inihahanda pa ang mga kasong maaaring kakaharapin nito habang hinikayat ang mga biktima na magtungo sa MTEU upang personal na magreklamo para maidagdag sa kasong isasampa sa suspek.

AUTHOR PROFILE