Default Thumbnail

Curfew sa mga minors, ipatutupad sa Maynila

July 22, 2022 Edd Reyes 307 views

NAGLABAS ng kautusan ang Manila Barangay Bureau (MBB) sa lahat ng mga barangay sa Lungsod ng Maynila na muling ibalik ang “curfew hours” para sa mga batang Manilenyo. \

Ang naturang kautusan na nilagdaan ni Assistant Director Gilbert Sugay ay alinsunod sa umiiral na Ordinance No. 8547 at Ordinance No. 8243 o ang “Anti-Child Endangerment Ordinance” kung saan ipinagbabawal ang paggala ng mga batang may edad na 17 pababa sa mga pampublikong lugar simula ng alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Lahat ng mga opisyales ng barangay ay inaatasan sa inilabas na kautusan na ipatupad ang mga alituntunin sa maayos na pamamaraan batay sa umiiral na Implementing Rules and Regulation (IRR).

Nagbanta ang naturang kawanihan sa mga magulang ng mga batang wala pa sa hustong edad na kapag nahuli ang kanilang mga anak na lumalabag sa umiiral na curfew hour, sila ang “mananagot” para sa ginawang paglabag ng kanilang anak, batay na rin sa umiiral na ordinansa.

Ang parusang ipapataw sa mga magulang ng mga menor de edad na mahuhuling lumalabag sa ordinansa ay papatawan ng multang P2,000 o isang buwang pagkakabilanggo kung ang kanilang anak ay nasa pagitan ng edad na 15 hanggang 17-taong gulang.

Kung ang mahuhuli namang bata ay nasa pagitan ng 13 hanggang 14 na taong gulang, ang multang ipapataw sa kanilang magulang ay P3,000 o pagkakabilanggo ng tatlong buwan.

Anim na buwan namang pagkakakulong o multang nagkakahalaga ng P5,000 ang ipapataw sa mga magulang kung ang edad ng kanilang anak na mahuhuling lumalabag sa ordinansa ay 12 taong gulang pababa.

AUTHOR PROFILE