Cayetano, “umarangkada” na rin sa VP race

August 5, 2021 Paul M. Gutierrez 314 views

PaulSA huling balita, “pinag-iisipan” pang mabuti ni dating House Speaker at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, kung “ano” bang posisyon ang tatakbuhan niya sa darating na 2022 elections.

“Balik-Kongreso” ba siya, balik-Senado o, sa mas mataas pang posisyon?

Subalit, mukhang “nagbubunga” na ang kanyang mga pagsisikap dahil maging sa vice presidency ay humahataw na rin ang kanyang pangalan sa latest na isinagawang survey ng OCTA Research.

Sa survey mula noong July 12-18, 2021, lumalabas na pumapangatlo na ang pangalan ni Cayetano sa listahan ng mga vice presidentiable.

Kung tutuusin, statistically tie sila ngayon ni Mayor Isko Moreno.

Hindi na ito nakapagtataka, sabi ng mga miron, dahil kung tutuusin tuloy-tuloy ang ginagawang pagpupunyagi ni Cayetano upang mapagsilbihan ang taong bayan lalong lalo ang ating mga kababayan na nangangailangan ng ayuda ngayong panahon ng pandemya.

Tuloy-tuloy ang pamimigay ni Cayetano ng “Sampung Libong Pag-asa” o P10K ayuda sa mga biktima ng COVID-19 para makatulong sa kanilang pag-ahon sa buhay.

Inilunsad din niya ang sari-sari store community kung saan binibigyan ng P3,500 na tulong ang mga maliliit na tindahan na iginupo ng COVID-19.

Abala din si Cayetano sa pagpa-plano ng five-year development plan para sa pagbangon ng tuluyan ng ating bansa mula sa COVID-19.

Umaasa si Cayetano na makikipagtulungan ang iba pang mga kandidato para maipatupad ito.

Sa ngayon ay hindi na lang puro plano ang kailangan kundi kung paano din maipatutupad ang naturang mga plano para sa kapakanan ng ating bayan, korek, hindi ba Boss Joey Venancio?

Abangan!

***

Hindi kailangang maging India ang Pilipinas.

Sa muling pagbabalik ng Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19, marami ang nangangamba na matulad sa India o di kaya’y sa Indonesia ang Pilipinas.

Lumabas ang mga balita na muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at nagiging mainit na commodity na rin ang oxygen sa mga pharmacy.

Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, mahigpit na ring binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) ang mga ospital na ang ilan ay kinokonsiderang nasa critical risk na partikular sa mga intensive care unit ng mga ito.

Naghihigpit na rin ang mga awtoridad sa mga pumapasok at lumalabas sa NCR at tanging mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) lamang ang papayagang makalabas. Isinailalim na rin sa mas maagang curfew na 8:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw.

Samantala, muling malalagay sa alanganin ang kabuhayan ng milyung-milyong Pilipino partikular sa NCR dulot ng ECQ. At ito ay may milyung-milyong pisong epekto sa ekonomiya kada araw ng lockdown.

Bagamat may pangangailangang gawing aksiyon para mapigilan ang Delta variant na lubhang nakakahawa (ayon sa mga eksperto), maaari ding mapigilan ang lubhang epekto ng lockdown sa mga mamamayan.

Malaking tulong ang inilabas na P12 bilyong pondo bilang ayuda sa mga mamamayan na tatamaan ng lockdown. Sinabi ni Senator Bong Go na kailangang matiyak na mapupunta ang halagang ito sa mga mahihirap, na dapat lang naman!

Patuloy naman ang pagdating ng bakuna sa Pilipinas. Pinakahuling dumating ang mahigit tatlong milyong bakuna ng Moderna mula sa Estados Unidos.

Samantala, nakapagtala naman ng mahigit na 700,000 nabakunahan ang bansa nitong Agosto 4, ang pinakamataas na record na naitala. Tiniyak naman ng Department of Trade and Industry na sapat ang supply ng oxygen at nagbanta sa mga nais magsamantala dito.

Patuloy naman ang polisiya sa minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at face shields.

Sa ganito makikita natin na may inuusad ang ating gobyerno sa paglaban sa COVID-19 at paghahanda para sa Delta variant.

Kung magkakaroon ng kooperasyon ang lahat hindi na natin kailangang ng mas mahabang lockdown at hindi kailangang matulad ang Pilipinas sa Indonesia o India.

Bagamat kailangan nating maghanda at huwag maliitin ang Delta variant, hindi rin kailangang puro negatibo ang pokus sa paglaban sa pandemya.

AUTHOR PROFILE