Hindi dapat hatiin ni Senator Win ang NPC!

August 5, 2021 Marlon Purification 341 views

Marlon PurificationMAY plano palang tumakbo sa pagka-Bise Presidente si Senador Win Gatchalian.

Diumano, may ilang grupo ang nagtutulak sa kanya para maging ka-tandem ni Davao City Mayor Sara Duterte pero tulad ng pakulo ng kampo ni dating Defense Secretary Gilbert Teodoro ay parang ayaw ding patulan Vito ng publiko.

Una, masyadong bata pa si Win para makipagbungguan kay Senate President Tito Sotto na nauna nang nagpahayag na tatakbo rin sa pagka-Vice-President, ka-tandem si Senador Ping Lacson.

Ngayon pa lang ay maraming miyembro na mula sa Nationalist People’s Coalition (NPC) ang nagtataasan ng kilay sa planong pagtakbo ni Win.

Miyembro rin kasi ito ng NPC Party kung saan national chairman si SP.

Para sa ilang stalwart ng NPC, hindi magandang tingnan kung si Win pa ang dahilan para magkawatak-watak ang kanilang partido.

Hayaan na lang dapat ni Win na ang ilang partido na tulad ng PDP-Laban ang magkagulo ngayon dahil sa bungguan nina Senador Manny Pacquiao at Energy Sec. Alfonso Cusi.

Pero sa NPC, dapat ay manatili silang solido!

Lalo pa’t istrikto ang panuntunan ni Sotto na ‘equity of the incumbent,’ na ibig sabihin, kung sino ang nakapuwestong NPC member sa LGU o congressman ngayon, hindi ito puwedeng labanan ng ilang partidong gustong makipag-alyansa sa tambalang Lacson-Sotto.

Ang akala ko nang unang mabasa sa column ni Johnny Magalona ng Remate ang pagtakbo ni Win ay gimik at pakulo lang ito para sa pagiging re-electionist ni Win.

Pero sa Viber Group ng Senate media ay maingat na rin ang bawat sagot ni Sotto kung pano ang magiging set-up sakaling tumakbo si Win para kalabanin siya sa pagka-Bise Presidente.

Para kay Sotto, nasisiguro niyang isa lang sa kanila ang makakukuha ng COC (Certificate of Candidacy) mula sa NPC.

Walang malinaw na sagot kay SP at sa kampo ni Win kung tuluyan na bang mahahati ang NPC.

Sa ganang akin, hindi na dapat pang pansinin ni Win ang mga urot sa paligid na kaya nitong manalo sa pagka-Bise Presidente dahil kahit saang anggulo tingnan, milya-milya ang karanasan sa kanya ni Tito Sen.

Hindi ko sinasabing sure winner na ang yotits ni Pasig City Mayor Vico Sotto. Nakapag-aalala lang talaga ang pagmamadali ni Win dahil wala akong matandaang nahati ang NPC dahil lang sa pansariling ambisyong pulitika ng ilang namumuno rito.

Ang nangyayaring labanan ngayon ngayon sa PDP Laban ay indikasyon din kung pano pa nila mapagkakaisa ang bansa kung sa mismong partido nila ay watak-watak sila. Ganito rin ang puna dati sa Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) at Liberal Party (LP).

Ang dapat na lang sigurong gawin ni Win ay mag-focus muna sa pagiging re-electionist dahil tulad ng paniwala ng lahat, masyadong masikip din ang labanan ngayon sa pagkasenador.

Sinabi ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na kahit papano ay liyamado silang mga re-electionist ngayon.

Lalo na’t silang mga pinili at isinama ni Sotto sa Magic 12 ay hindi pipigilan kung kasama rin sila sa line-up nina Inday Sara, Senador Manny Pacquiao o Manila Mayor Isko Moreno pa.

Kaya tulad ni Migz, nakaaangat din sa ganitong sitwasyon si Win. Kasama siya ngayon sa Magic 12 ng NPC at tiyak ay kasama rin sya sa magiging line-up ni Inday Sara.

‘Wag sanang kalimutan ni Gatchalian na hindi porke ie-endorso siya ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang Bise-Presidente ay sigurado na ang kanyang pagkapanalo.

Dahil sa sitwasyon noong 2016 national elections, kapwa inendorso ni Digong sina dating Senators Alan Pater Cayetano at Bongbong Marcos.

Pero ang naitala sa kasaysayan ay si Leni Robredo ang naging Bise-Presidente ng bansa.