Cayetano positibo sa ‘snowball of support’ sa P10K Ayuda Bill

May 14, 2021 People's Tonight 63 views

POSITIBO si dating Speaker Alan Peter Cayetano na magkakaroon ng “snowball of support” o malaking suporta ang P10K Ayuda Bill na isinusulong ng kanyang grupong Back To Service (BTS) sa Kamara de Representantes matapos katigan ni Paranaque City 2nd District Rep. Eric Olivares ang magandang panukala.

Sa panayam ng DZRJ, sinabi ni Olivares na “full support” siya sa P10K Ayuda Bill ni Cayetano dahil kailangan ito ng sambayanang Pilipino.

“Kung kaya ng budget bakit hindi [ibigay] para sa mga nangangailangan? Kung kaya ng appropriation na i-budget po ‘yon para sa nangangailangan, full support tayo doon,’’ ani Olivares.

Nagpasalamat naman si Cayetano kay Olivares at sa iba pang mga kongresista na nagpahayag ng suporta sa P10K Ayuda Bill.

“May consensus naman talaga ang buong Pilipinas na kailangan ng mga Pilipino ang P10K ayuda at ito’y mabuti sa ekonomiya at ito ay mabuti sa pamilya,’’ giit ni Cayetano.

Nakiusap din si Cayetano sa mga kapwa kongresista na bilisan ang aksiyon at suporta sa P10K Ayuda Bill upang maibigay agad ito sa mga nangangailangan lalo na ang mga pamilyang nawalan ng kabuhayan at nalugmok sa pandemyang dulot ng coronavirus disease-19 (COVID-19).

Sinabi ni Cayetano na mahalagang maikasa na ang P10K Ayuda Bill upang agad na maaksiyunan ang pagbibigay ng iba pang stimulus package para sa ibang sektor ng lipunan.

‘’Kaya pakiusap ko sa lahat ng kongresista na gawin nating mabilis at i- explain natin sa Malakanyang na may pera naman at agad-agad na ‘yung P10K ay maibigay at agad-agad na isunod naman ang iba pang stimulus kagaya ng health, agriculture, tourism, education, at kabuhayan,” pahayag ni Cayetano.

Ang P10K Ayuda Bill ay inihain ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado noong February 2021.

Sa halip na ito ay hiwalay na talakayin, isinama ito sa deliberasyon ng Bayanihan 3 na nagresulta upang maliit na P1K sa bawat Pilipino na lamang ang planong ibigay na ayuda.

Mariin namang itong tinutulan ni Cayetano dahil hindi limos ang kailangan ng mga tao sa kasalukuyan.

’’Extraordinary times need extraordinary measures. Hindi po limos ang kailangan ng mga Pilipino sa ngayon,’’ ayon pa sa dating Speaker.

Nauna rito nanawagan si Cayetano sa mga tao na pakiusapan at ligawan ang kanilang mga kongresista na sumuporta sa P10K Ayuda Bill.

Iginiit ni Cayetano na alam niya ang damdamin ng mga kasama sa Kongreso tungkol sa naturang panukala. ‘’Alam ko naman ang damdamin ng mga kongresista at payag rin sila.”

Noong Mayo Uno o Araw ng Paggawa, inilunsad ni Cayetano at ng kanyang grupo ang Sampung Libong Pag-asa kung saan mahigit 200 benepisyunaryo ang nakatanggap ng P10K ayuda mula sa kanilang sariling pagsisikap.

Ito ay upang mahikayat ang Kamara de Representantes na aksiyunan na ang panukala upang makatulong sa maraming pamilyang Pilipino na makapag-umpisa ng maliit na kabuhayan at makabangon paunti-unti mula sa pagkakalugmok dulot ng COVID-19.

AUTHOR PROFILE