Default Thumbnail

Cayetano, kaalyado mamamahagi ng P10K ayuda sa Labor Day

April 30, 2021 Cesar Reyes 425 views

HALOS 200 manggagawa na apektado ng pandemya mula sa 13 siyudad at probinsya sa bansa ang nakatakdang bigyan ng P10,000 ayuda ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at kanyang mga kaalyado sa Kongreso sa May 1.

Ilang linggo matapos ihain ni Cayetano at ilan pang Kongresista ang panukalang naglalayong magbigay ng panibagong ayuda sa mga pamilyang Pilipino, nagdesisyon silang mag-abot ng tulong sa halos 40 pamilya sa Quezon City, Imus at Kawit Cavite, Pasig at Caloocan na talagang nangangailangan.

Naging inspirasyon ng kanilang grupo ang magagandang kwento ng mga benepisyaryo sa naunang apat na lugar kaya maglulunsad sila ngayon ng mas malaki at malawak na proyektong bayanihan na tinawag nilang “Sampung Libong Pag-asa.”

Sa May 1, kabilang sa mga taong kanilang tutulungan ay mula sa Batangas, Bulacan, Cavite, Camarines Sur, Caloocan City, Marikina City, Quezon City, Taguig City, Mandaluyong City, Pateros, Laguna, Rizal at Ormoc City.

Ang inisyatibong ito ay inorganisa nina Cayetano, kanyang maybahay na si Taguig City 2nd District Rep. Ma. Laarni Cayetano at ilan pang kongresista na sina Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund “Lray” Villafuerte Jr., Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu, Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, Anakalusugan Party-List Representative Mike Defensor at Bulacan 1st District Rep. Antonio Sy-Alvarado.

Umaasa ang kanilang grupo na kung matatalakay agad at mapapasa ang kanilang bill na pinamagatang “Bangon Pamilyang Pilipino Act” o mas kilala sa tawag na 10k Ayuda bill, milyon milyong Pilipino ang mas makikinabang habang hindi pa nakukumpleto ang pagbabakuna sa Pilipinas.

Ang nasabing programa ng pamamahagi ng P10,000 ayuda ay mapapanood ng live sa official Facebook page ni Rep. Alan Cayetano.

AUTHOR PROFILE