Cayetano

CAYETANO DEDMA

April 17, 2024 People's Tonight 88 views

Sa isyu ng ‘secret agreement’ sa China

TAHIMIK si dating Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano hinggil sa “secret agreement” sa pagitan ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng China tungkol sa isyu ng BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea (WPS).

Mainit ngayon ang pangalan ni Cayetano matapos itong ituro ni Harry Roque, dating spokesperson ni Duterte, na siya umano ang totoong may alam sa kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ayon kay Roque, ang kasunduan ay bawal magdala ng repair materials at tanging tubig at pagkain lamang ang puwedeng i-supply sa nakatenggang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal upang hindi magkaroon ng problema sa relasyon ng Pilipinas sa China.

Ang “secret agreement” ang sinasabing dahilan kung bakit patuloy na nagiging agresibo ang China sa pag-atake sa mga barko ng Pilipinas sa WPS.

Sa isang media forum, binigyang diin ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. ang mahalagang papel ng media upang ilabas ang katotohanan sa pinag-aagawang teritoryo, kung saan ang Pilipinas sa mahabang panahon ay patuloy na nakararanas ng mga iligal, agresibo at iresponsableng aksyon mula sa China sa WPS.

Giniit ni Pangulong Marcos na dapat gawin ang lahat upang madepensahan ang teritoryo, soberanya at pambansang interes ng Pilipinas sa WPS.

Ang BRP Sierra Madre ay tangke noong World War II era na sadyang idinaong ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal noong 1999 upang magsilbing military outpost at simbolo ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo.

Kahit may desisyon na ang international arbitration tribunal sa The Hague noong 2016 na walang legal basis ang China sa pag-angkin sa WPS, ang desisyon ay patuloy na nire-reject ng China.

AUTHOR PROFILE